#PulisAngTerorista trending sa pagkakabaril sa 52-anyos na ale; Palasyo dumepensa

Philippine National Police chief Guillermo Eleazar escorts Police Master Sergeant Hensie Zinampan at Camp Karingal headed for medical on Tuesday, June 1, 2021. Zinampan is the suspect in shooting at point blank range of the 52-year-old Lilibeth Valdez at Sitio Ruby, Fairview in Quezon City on the night of May 31.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — "May iilan lang talagang bugok" — 'yan ang depensa ng Malacañang matapos ang panibagong insidente ng pagpatay ng isang kawani ng Philippine National Police (PNP) laban sa isang sibilyan.

Arestado si Police M/Sgt. Hensie Zinampan, Martes, matapos ma-videohang binabaril sa leeg ang 52-anyos na si Lilybeth Valdez sa Barangay Greater Fairview, Quezon City habang lasing.

Nahagip ng video kung paanong hawakan ng suspek ang buhok ni Valdez bago kalabitin ang gatilyo matapos sabihin ang "Ngayon na. Dito ka." Agad na binawian ng buhay ang babae.

"Nagsuntukan po kasi 'yung pulis pati 'yung kaibigan kong isa... Parehas po kasi silang lasing," paliwanag ni Beverly Luceno, anak ni Valdez, sa ulat ng GMA News.

Dahil sa insidente, trending #1 sa Twitter ang hastag na #PNPANGTERORISTA habang sinusulat ang balitang ito, na meron nang hindi bababa sa 80.4k tweets.

Reklamong murder ang kakaharapin ni Zinampan, pagtitiyak ni PNP Police Gen. Guillermo Eleazar kaugnay ng insidente.

"Nahuli at sasampahan ng kaso ang isang pulis na pumatay ng isang lola. Tayo sa PNP ay hindi palalampasin ang karumaldumal na krimen na ito," ani Eleazar sa isang tweet.

"Pinapa-madali ko na ang administrative cases laban sa pulis na ito para mapabilis na din ang pagtanggal sa kanya sa PNP. Bukod ito sa criminal case na pinamamadali ko na rin para mabigyan ng hustisya ang biktima."

Nakikiramay naman si PNP chief sa pamilya habang ipinapangakong personal niyang tututukan ang kaso. Sisiguraduhin din daw nilang patitindihin ang "pag-aayos ng kanilang hanay" kasunod nito.

Inihahambing ngayon ang pagpatay ni Zinampan sa pamamaril ni Police SMSgt. Jonel Nuezca kina Sonya Gregorio (52-anyos) at anak na si Frank Anthony Gregorio (25-anyos) noong Disyembre 2020.

Ilang araw pa lang din nang kontrobersyal na mapatay ng Valenzuela PNP ang 18-anyos na may kapansanang si Erwin Arnigo.

Palasyo: Karamihan ng pulis 'propesyunal'

Sa gitna ng batikos na inabot ng PNP dahil dito, agad namang dumepensa ang Malacañang sa institusyon habang iginigiit na iilan lang ang ganito sa mga alagad ng batas.

"Definitely that is not the rule. That is the exemption to the rule. Wala po tayong magagawa. Kahit na anong organization, may paisa-isang mga bugok," wika ni presidential spokesperson Harry Roque patungkol sa insidente.

"Pero please, we have hundreds of thousands in the ranks of our policemen. And we hear of one or two cases of this nature... Hindi po totoo na  malawakang maraming pulis [na ganito]."

Aniya, propesyunal daw ang kalakhan sa PNP lalo na't ito ang unang itinuturo sa kanila sa pagpasok ng ng training.

Matagal nang nababatikos ang PNP sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng mga isyu sa madugong "war on drugs" at extrajudicial killings ng mga aktibista.

Kill-kill-kill policy?

Ayon kay Karapatan secretary General Cristina Palabay, malinaw na pagpapakita raw ng recent killings kina Valdez at Arnigo ang "kill-kill-kill policy" na tipo ng pamamahala sa ilalim ni Duterte.

"What is clear and apparent is that the dangerous mindset of normalizing such killings is deeply ingrained among State forces, and the recent statement of President Duterte spurning efforts to seek transparency on drug war records is yet another indication of deliberate impunity — one that shows the inadequacy and even failure of domestic mechanisms — in the country as police killings and abuses remain blatantly rampant," aniya.

"What is clear and apparent is that accountability should not just be a photo op or a press release. We will be closely watching Eleazar’s actions... Paying lip service to accountability, however, is not and would never be justice."

 

 

Magsasagawa naman na ngayon ng motu propio investigation ang Commission on Human Rights para silipin ang pagpatay kay Valdez, lalo na't kita raw ang pagbaril sa leeg ng biktima.

Kabaha-bahala raw ito lalo na't "serve and protect" ang isolgan ng PNP, hindi ang paglabag sa karapatan at karapatang mabuhay.

Show comments