Panukalang P10,000 subsidyo kada estudyante inihain ng Makabayan bloc

Kita sa larawang ito ang isang bata na gumagamit ng computer, na instrumental ngayon para maituloy ang mga klase sa gitna ng COVID-19 pandemic.
The STAR/Boy Santos, File

MANILA, Philippines — Para maitaguyod ang karapatan sa edukasyon sa gitna ng coronavirus disease pandemic, naghain ng panukala ang ilang militanteng mambabatas bilang pinansyal na tulong sa mga estudyante.

Biyernes nang ihain ng Makabayan bloc ang isang house bill na na magbibigay ng P10,000 kada estudyanteng naapektuhan ng suspensyon ng face-to-face classes at pagpapatupad ng alternative learning.

"For immediate relief under the COVID-19 pandemic, this bill contains a one-time cash subsidy of ten thousand pesos (P10,000) for each student as well as those who dropped out during the pandemic," paliwanag ng Makabayan sa kanilang explanatory note kanina.

"This is critical in ensuring that amongst students, those who are economically disadvantaged can still access quality learning. The one-time cash subsidy will be able to help improve access to gadgets, internet connectivity, printing of modules and other materials, and even tuition payments."

Ilan sa mga authors ng panukala sina Kabataan Rep. Sarah Elago, Bayan Muna Reps. Calos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, ACT Teachers Rep. France Castro at Gabriela Women's Party Rep. Arlene Brosas.

Kasama nila, nananawagan din ngayon ang Student Aid Network na agad maipasa ang panukalang batas para agad makapagbigay ng cash subsidies sa mga estudyanteng Pilipino.

Dati nang inirereklamo ng mga estudyante ang kahirapan ng distance learning: mula sa kakulangan ng gadgets, internet, mali-maling printed modules, kawalan ng practical applications ng mga leksyon at dagdag na stress ng panibagong set-up. Napilitan na ring mag-dropout ang ilan dahil sa kahirapan ng pera ngayon.

"[The authors also call] on President Rodrigo Duterte to certify as urgent those bills in line with this objects," dagdag ng mga mambabatas.

Iba sa P10,000/month ayuda na hiling ng manggagawa

Iba pa ang panukalang ito sa panawagang P10,000 buwanang ayuda ng mga manggagawa at economic think tanks gaya ng IBON Foundation, sa gitna na rin ng dami ng nawalan ng trabaho bunsod ng kaliwa't kanang lockdowns, na ibinaba para maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Matatandaang una nang namigay ng P5,000-P8,000 ayuda ang gobyerno nang magpatupad ito ng pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) noong 2020.

Muli namang nagpasa ang gobyerno ng P1,000 ayuda ngayong 2021 sa pagbabalik ng ECQ, pero para sa maraming sektor, kulang na kulang ito lalo na't marami pa ring negosyo ang hindi makatakbo sa kabuuan nitong kapasidad.

Natataon ito ngayong lumiit ng -4.2% ang gross domestic product (GDP) para sa unang kwarto ng 2021, dahilan para kailanganin ang 10.8% growth sa susunod na tatlong quarters para maabot ang 7% ngayong taon.

Nag-contract din year-on-year diumano ang ilang mayor na sektor: agriculture (-1.2% growth), construction (-24.2%), at wholesale and retail trade (-3.9%).

"Students are experiencing difficulties as to how they can continue to fund their education because their parents are unemployed, underemployed, or receiving meager wages. While the country is in an economic crisis, public funds must be used primarily for basic social services, including education," dagdag pa ng Makabayan.

"In this bill, it seeks to institutionalize an emergency student aid and relief system during times of national emergency or crisis to assist Filipino students and youth in their expenses related to alternative modes of learning, including tuition, other school fees, gadgets and internet connectivity, among others." — James Relativo

Show comments