MANILA, Philippines — Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpasok ng mga foreign nationals sa bansa simula ngayong Mayo 1.
Pero kailangan na mayroon silang valid at existing visa maliban na lamang doon sa mga kuwalipikado sa ilalim ng Balikbayan Program sa ilalim ng Republic Act No. 6768, o Act Instituting the Balikbayan Program.
Kailangan din na mayroon silang pre-booked accommodation na hindi bababa sa pitong araw sa mga accredited hotel o facility at dapat sumailalim sa COVID-19 testing sa quarantine hotel/facility sa ika-anim, na araw buhat nang dumating sa bansa.
Dapat din na pasok sila sa maximum capacity ng inbound passengers sa port at date ng entry.
Bagaman at pinapayagan na ang mga banyaga, hindi pa rin papayagan ang lahat ng manggagaling sa India o may travel history sa India, base sa Inter-Agency Task Force Resolution No. 112.
Upang matiyak ang maayos na pagpapatupad sa pagtanggal ng ban sa mga banyaga, inatasan ang Bureau of Immigration na magbuo ng mga kinakailangang guidelines.