MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagkamatay ng isang "curfew violator" sa General Trias City, Cavite kamakailan matapos mamatay kaugnay diumano ng ipinataw sa kanyang parusa sa gitna ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Una na kasing ibinalitang pinag-"pumping" — isang uri ng ehersisyo — ng 300 beses ng kapulisan si Darren Manaog Peñaredondo dahil sa paglabas ng bahay ng dis-oras ng gabi. Meron kasing umiiral na curfew kontra COVID-19.
Related Stories
Matapos ito, kita sa mga kumakalat na video na hirap nang makalakad ang lalaki pag-uwi ng bahay. Nagresulta na raw ito sa pagka-comatose ng biktima hanggang sa tuluyang pagkamatay.
"Agad-agad po ay nakipag-ugnayan ang DILG sa [LGU ng General Trias at pulis]... Itong taong ito ay inaresto ng mga village guards at inilipat ng barangay, at ang barangay naman ay ibinigay sa pulis," ani Interior Jonathan Malaya, Martes, sa panayam ng GMA News.
"We can assure the public na kung meron pong pagkukulang ang ating kapulisan, sisiguraduhin po nating sila ay mananagot dito."
Pagtanggi ng pulis sa paratang
Una nang itinanggi ni Police Lt. Col. Marlo Solero, General Trias City police chief, na wala silang ipinapataw na pisikal na parusa laban sa mga lumalabag sa health at curfew protocols ngunit nagbibigay lang daw ng lectures sa mga lumalabag.
Nakikipag-ugnayan na ngayon ang DILG sa Kampo Krame lalo na't nasa ilalim nila mismo ang Philippine National Police (PNP).
LALAKI, PATAY SA PUMPING? Trending sa internet ang post ng isang netizen tungkol sa isang lalaki na umano'y nasawi...
Posted by News5 on Monday, April 5, 2021
Hindi pa naman tumutugon si PNP spokeperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana sa mga panayam mula sa PSN hinggil sa isyu.
"[N]agbigay na po tayo ng direktiba na imbestigahan kaaagad-agad kung merong paglabag sa protocol o kaya naman nagkaroon ng iregularidad ang ating kapulisan," patuloy ni Malaya.
"'Yun naman pong LGU, ay meron din pong imbestigasyon at inaantay po natin ang report mula naman sa City Government of General Trias."
DOJ: Community service sa quarantine violators, hindi kulong
Lunes lang nang baliktarin ng Department of Justice (DOJ) ang una nitong posisyon pagdating sa pagpapakulong sa mga lumalabag sa protocols ng community quarantine.
Ito ay matapos ang isang taon ng mga "non-cooperation" arrests at "disobedience" cases. Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, inirerekomenda na nila sa LGUs ang community service kaysa kulong.
Ito'y habang nasa ilalim ng ECQ ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal (NCR Plus) dahil na rin sa panibagong pagsipa sa COVID-19 cases nitong mga nakaraang mga linggo.
Sumasang-ayon naman daw si Malaya sa suwestyon ni Guevarra. Kung nagkataon, ngayon lang ito mangyayari sa kabila ng matagal nang panawagan ng mga sektor na 'wag mag-aresto sa gitna ng mga lockdowns.