Pinas mababawi ang ranking sa Global Innovation Index dahil sa CREATE Act

MANILA, Philippines — Muling mapapataas ng ‘research and development incentives’ ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, na naghihintay na lamang ng lagda ni Pangulong Duterte, ang ranggo ng Manila at Pilipinas sa Global Innovation Index (GII) na sumadsad ngayong taon mula sa mataas nilang puwesto noong 2020.

Ito ang pahayag ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means Committee chairman, kaugnay sa “Tholons Global Innovation Index 2021 (TGII)” report kamakailan kung saan bumagsak sa ika-18 puwesto ang Pilipinas mula sa pang-5 ranggo nito sa kategoryang “Top 50 Digital Nations.” Na­ging pang-8 na lang din ang Manila mula sa pa­ngalawa noong 2020 sa kategoryang “Top 100 Super Cities.” Ang Tholons ay tagapayo ng GII.

Hindi sapat na dahilan ito para maalarma ang bansa, ngunit kung ito’y hindi matutugunan agad, malamang humina ang ‘Business Process Outsourcing (BPO) sector’ na nagbibigay ng trabaho sa maraming Pilipino, puna ni Salceda.

“Sadyang nakatuon ang CREATE sa mga malikhaing negosyo at pamumuhunan, kaya inaasahan kong mapapasulong nito ang paglikha ng mga kapaki-pakinabang na mga bagay, pamamaraan at sistema, kapag ipinatutupad na, kasama na ang ‘innovations’ na tutugon sa mga hamon sa mga BPO at maglalapit sa antas ng kahusayan ng mga manggagawa at kanilang mga gawain,” paliwanag pa ng solon.

 

Show comments