Mga barangay na NPA-free, bibisitahin ni Duterte at NSC
MANILA, Philippines — Bibisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang National Security Council ang mga barangay na malaya na mula sa kamay ng New People’s Army (NPA) upang masiguro na tama ang pagpapatupad ng Barangay Development Program (BDP) doon.
Ngayong Biyernes ay magkakaroon ng barangay consultation sa Region 12 at sa mga susunod na linggo ay sa Region 8 at Region 4A para matiyak na nakakarating sa kanila ang programa ng pamahalaan.
Ayon kay NSC Adviser Hermogenes Esperon Jr., si Pangulong Duterte, bilang chairman ng National Task Force to End Local communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang mismong mangunguna sa pagpapatupad ng BDP upang patunayan na seryoso ang pamahalaan sa pagsupil sa rebeldeng NPA.
Aabot sa 822 barangays sa buong Pilipinas ang makakatanggap ng tig-P20M BDP fund na gagamitin sa mga proyekto gaya ng farm-to-market road, health sanitation; school building; water sanitation at livelihood program.
Naniniwala si Esperon na sa pangunguna ni Pangulong Duterte sa naturang programa ay lalong hihina ang pwersa ng NPA. Sasamahan si Duterte dito ng ilang cabinet members, mga lokal na opisyal at kinatawan ng barangay.
- Latest