Pagbabalik ng face-to-face classes makakatulong sa mental health ng mga mag-aaral
MANILA, Philippines — Makakatulong sa mental health ng mga estudyante ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian.
Naniniwala si Gatchalian na may positibong epekto sa mga mag-aaral sa mga low risk areas ang harapang pakikipag-ugnayan ng mga mag-aaral sa kanilang kapwa estudyante.
“Makatutulong naman sa mental health ng mga estudyante ang pakikipag-ugnayan nila sa kanilang mga kapwa mag-aaral kapag natuloy na ang face-to-face classes lalo na sa low risk areas. Sa pamamagitan din ng limited face-to-face classes, maaaring makatanggap ang mga mag-aaral ng sapat na paggabay mula sa kanilang mga guro,” ani Gatchalian.
Ipinunto rin ni Gatchalian na bukod sa pagbibigay ng edukasyon, ang mga paaralan ay may mga programa rin para sa kalusugan, proteksyon, at kapakanan ng mga mag-aaral na maaari lamang maibigay sa kanila kapag nagkaroon na ng face-to-face classes.
“Higit na mahalaga ang pagtugon sa mga programang ito ngayong panahon ng pandemya,” ani Gatchalian.
Muli ring binigyang diin ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na base sa mga pag-aaral na ginawa ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) sa Estados Unidos, Public Health Agency (PHA) ng Northern Ireland at University of Warwick sa Inglatera, mas malaki ang posibilidad na mahawa ang mga kabataan sa mga komunidad kesa sa mga paaralan kaya posible ang pagsasagawa ng face-to-face classes basta ipagpatuloy lang ang health protocols tulad ng pagsuot ng mask, physical distancing, regular na paghuhugas ng kamay, at disinfection.
Idinagdag ni Gatchalian na ang ligtas na pagbabalik-eskwela ay dapat magsimula sa mga itinuturing na low-risk areas. Ayon sa mapa ng COVID-19 tracker ng University of the Philippines, may mahigit 400 mga munisipalidad ang walang aktibong kaso ng COVID-19 buhat noong Pebrero 9.
- Latest