MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Duterte na huwag gawing mandatory o sapilitan ang Motor Vehicle Inspection System (MVIS).
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na dapat ay walang bagong sisingilin o karagdagang bayad sa pagpaparehistro ng mga sasakyan.
Ayon kay Roque, binabalanse lang ng Pangulo ang pinagdadaanan ng mga mamamayan sa gitna ng nangyayaring krisis.
Sa tanong kung bakit palaging si Duterte ang kailangang magpatigil ng anti-people policies ng mga ahensiya ng pamahalaan, sinabi ni Roque na: “Ang Presidente po kasi ang nangako nang mas komportableng buhay para sa lahat. So tinutupad lang po niya ang pangako niya noong eleksiyon.”
Nauna rito, inirekomenda ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe ang suspensiyon ng operasyon ng mga Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs) dahil sa iba’t ibang isyu.
Nababahala rin ang mga senador na posibleng maging ugat ng korapsiyon ang inspection program.
Kasabay nito, inutos din ng Pangulo ang pagpapaliban sa implementasyon ng Republic Act 11229 o Child Safety in Motor Vehicles Act na kilala rin sa tawag na child car seat law.
“Nagdesisyon na ang ating Presidente. Ipinagpaliban o deferred ang pagpapatupad o implementasyon ng child car seats,” pahayag ni Roque.
Nakasaad sa kontro-bersiyal na batas na hindi na maaaring umupo sa tabi ng driver o unahan ng sasakyan ang mga bata na 12 taong gulang pababa at kailangan na rin nilang gumamit ng child restraint systems (CRS) o child car seats kung ang taas nila ay wala pang 4’11.
Kailangan din na naaayon sa timbang, edad at taas ng bata ang mga gagamiting child car seats.
Nilagdaan ni Duterte ang batas noong Disyembre 2019 at dapat sanang si-nimulang ipatupad noong Pebrero 2.