MANILA, Philippines — Tatapusin ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) sa loob ng 30 araw ang dismissal case laban sa pulis na bumaril at pumatay sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Linggo.
Ito ang tiniyak at ibinigay na target kahapon ni PNP-IAS Inspector Ge-neral Atty. Alfegar Triambulo sa kasong kinakaharap ni P/Sr. Master Sergeant Jonel Nuezca.
“We will finish the investigation soon. Kung tumagal lugi, aggrieved na po ang biktima, kasi justice delayed, justice denied. Lugi din yung gobyerno kasi siya ay sumasahod dahil nasa batas na presumption of innocence unless proven guilty,” ani Triambulo.
Si Nuezca, 46, ay nahaharap sa kasong administratibo at kriminal dahil sa pagpatay sa kapitbahay nitong mag-inang Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25.
Ang nasabing parak na sumurender matapos ang krimen ay nakatalaga sa Parañaque City Police Crime Laboratory at residente ng Brgy. Cabayaoasan sa Paniqui, Tarlac.
Batay sa rekord ng PNP-IAS, naharap na sa maraming kaso ang pulis sa 10 taon nito sa serbisyo kabilang ang dalawang kaso ng homicide noong Mayo at Disyembre 2019 bagaman kapwa ito nabasura dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Samantala, ibinasura naman ng korte na makapaglagak ng piyansa si Nuezca sa kaso nitong double murder.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 3 Police Director P/Brig.Gen. Valeriano De Leon, nai- inquest na sa piskalya ang kaso ni Nuezca at nai-raffle na rin ng korte kung sinong huwes ang hahawak sa paglilitis.