^

Bansa

Limitasyon ng 'Baybayin' nasilip sa panukalang gawin itong national writing system

James Relativo - Philstar.com
Limitasyon ng 'Baybayin' nasilip sa panukalang gawin itong national writing system
Makikitang nagsusulat ang estudyanteng(kaliwa) ito katabi ang larawan ng ilang titik ng sinaunang alpabetong "Baybayin" ng mga Tagalog
The STAR/Lila Shahani, File

MANILA, Philippines — Mainit na pinagdebatehan sa Kamara, Huwebes, ang House Bill 490 na layong gawing pambansang pamamaraan ng pagsusulat sa Pilipinas ang "Baybayin" — isang katutubong uri ng pagbabaybay na nagsimula sa Luzon.

Sa pagdinig ng Mababang Kapulungan, sinabi ni Rep. John Marvin "Yul Servo" Nieto (Manila) na malaki ang magagawa nito upang buhayin ang sariling pamamaraan ng pagsusulat, bagay na hindi na alam gamitin nang maraming Pilipino sa ngayon.

"Ang Baybayin po ay isang ancient script na ginagamit ng ating mga ninuno bago pa man tayo nasakop ng mga Español," ani Nieto, na isa sa mga co-sponsor ng panukala.

"Maaring hindi nakatala ito sa mga ibang librong pangkasaysayan ng ating bansa, pero ito ay nagsisilbing patunay na meron na tayong matatag na sistema ng pamumuhay at meron na tayong sariling wika at panulat na hindi hiram, kundi sariling atin."

Aniya, tanda ito na hindi mangmang ang mga sinaunang Pilipino gaya na lang ng idiniin ng mga mananakop na dayuhan sa noo'y mga "indio."

Unang itinulak ang nasabing panukala noon pang ika-15 Konggreso. 18th Congress na sa ngayong 2020.

 

 

Sa ngayon, sanay ang mga Pilipino sa alpabetong itinuro ng mga banyaga. Sa kabila nito, nadagdagan pa ito ng letrang "Ñ" at "NG" dahilan para umabot sa 28 — mas marami sa 26 na ginagamit ng mga nagsasalita ng Inggles.

"Sinisikap ng panukalng ito na buhayin at ipalaganap ang paggamit uli ng Baybayin upang ito ay maabutan pa ng mga susunod na henerasyon," saad pa ni Nieto, na isang actor-turned-politician.

'Limitasyon, praktikalidad, bias sa Tagalog'

Bagama't maganda raw sana ang layunin nangangamba ang ilang akademiko at personalidad sa posibilidad na gawin itong pambansang panulat, lalo na't magdudulot ito ng sari-saring implikasyon.

Kung si Dr. Pamela Constantino ang tatanungin, propesor sa Departamento ng Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas, limitado at labis daw nitong papaboran ang ancient writing style ng mga nagsasalita ng wikang Tagalog, maliban sa kakaonti ang titik nito.

"Sa Tagalog lang 'yung Baybayin. Kasi merong mga Hanunó'o ang mga Mangyan, sa Palawan [naman ay] Tagbanwa. May sari-sarili rin silang Brahmic scripts," ani Constantino.

"This script came from South Asia. Actually hindi naman sa ating lang ['yan]... Hindi atin talaga."

Isa pa raw na problema ang pagiging episyente ng Baybayin bilang panulat lalo na't 17 lang nang titik nito kumpara sa 28 na ginagamit ng Filipino alphabet.

Gayunpaman, maaari naman daw na ipreserba na lang ito at ituring na "national treasure," kaysa bansagang "national writing system."

"Ni walang 'R' ang Baybayin eh... ," dagdag pa ng propesora.

Kwinestyon din ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) chairperson Rene Escalante ang Section 5 (e) ng HB 490.

Hinihingi kasi nito nasa mga pamahalaang lungsod na maglagay ng katumbas na Baybayin ang mga sari-saring kalye sa Pilipinas.

"Alin po bang Baybayin ang gagamitin? Would it be the Jawi alphabet [of the Tausug]? Will it be the additional script of the people of Palawan or the one of Mindoro? ... Kailangan pong malinaw ito," dagdag ni Escalante.

Pumalag din si National Museum of the Philippines director-general Jeremy Barns na basta-basta itong ilapat. Aniya, pangit kung pipilitin din ang Baybayin para isulat ang mga salitang banyaga lalo na't kakaonti ang titik nito.

Inclusive?

Sa kabila nito, ipinagtanggol naman ng Department of Education ang panukala lalo na't maganda naman daw ang layunin nito.

"It's not even to be taught as a mandatory manner eh. It's a separate subject... Ginagawa na po namin ito," ani Education Undersecretary Tonisito Umali.

"Sa ilang kolehiyo, they're even offering this sa ilang mga students [sa] UP. They know how to write in Baybayin."

Dagdag pa ni Umali, pwede namang ihalo na lang ito sa mga kasalukuyang asignatura. Sa Commission on Higher Education, maaari naman daw itong gawing elective subject.

Ayon naman kay Jay Enage, founding chairperson ng grupong Baybayin Buhayin, hindi naman daw ibig sabihin na gagawin itong pambansang panulat ay kakalimutan na ang ibang writing systems ng Pilipinas.

Napapanahon na rin daw itong maisabatas lalo na't ika-500 taon ng pagkakasakop ng Pilipinas sa susunod na taon ng 2021, bagay na makakatulong daw sa dekolonyalisasyon ng bansa.

ALPHABET

BAYBAYIN

DEPARTMENT OF EDUCATION

NATIONAL HISTORICAL COMMISSION

TAGALOG

UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

YUL SERVO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with