MANILA, Philippines — Pinangunahan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsira sa nakumpiskang iligal na droga na nagkakahalaga ng P7.51 bilyon sa Integrated Management, Inc. (WMI) sa Trece Martires, Cavite.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, ang aktibidad ay alinsunod sa itinatakda ng batas tungkol sa kustodiya at disposisyon ng mga nakukumpiskang ilegal na droga.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na isa na namang “milestone” sa kampanya laban sa iligal na droga ang aktibidad.
Sinabi rin ni Duterte na ang pagsira sa iba’t ibang iligal na droga ay patunay sa determinasyon ng gobyerno na tuldukan ang ugat ng problemang sumisira sa milyun-milyong users at pamilya ng mga ito.
Pinuri rin ng Pangulo ang trabaho ng PDEA at PNP na naging dahilan sa pagkakakumpiska ng nasa pitong bilyong halaga ng ilegal na droga.
“We will continue to work even harder not only to suppress the supply of narcotics in our streets, but also to prevent our country from being used as a trans-shipment point for illegal drug trade in the Asia-Pacific region,” dagdag ni Duterte.
Binanggit din ng Pangulo na sa kabila ng COVID-19 pandemic, hindi tumitigil ang mga kriminal sa kanilang aktibidad.
Sinabi rin ng Pangulo na matitiyak lamang ang mabuting kinabukasan ng bansa kung magiging drug-free ang Pilipinas.
Nagsilbing guest of honor at Speaker si Duterte sa seremonya kung saan dumalo rin ang mga kinatawan ng Philippine National Police at iba pang law enforcement agencies, Department of Justice, Department of Interior and Local Government, at mga non-government organization.