MANILA, Philippines — Lubos na pinasalamatan ni Sen. Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte nang dinggin at tuparin ang naging apela niya sa pamahalaan na tulungan ang mga local government unit na matinding naapektuhan ng mga nakaraang kalamidad.
“Isa po ito sa ating inapela sa executive kung paano matulungan ang mga municipalities, cities and provinces na tinamaan po ng typhoon Rolly at Ulysses. Pumayag naman ang Pangulo at inaprubahan niya kagabi,” ayon sa senador.
Ginawa ni Go ang apela matapos ang panawagan ng mga apektadong LGUs dahil ang kanilang calamity funds ay natuyot na sa pagresponde sa COVID-19 pandemic at sa nangyaring sunud-sunod na pagbayo ng mga bagyo sa bansa.
“Umpisa pa lang ng lockdown, ginamit na nila ang kanilang pwedeng agad na galawing pondo para sa pagkain, gamot at pangtulong. Ngayon, depleted talaga at wala na silang magamit nang dumating ang mga bagyo,” ani Go.
Sinabi ng senador na malaki ang magagawa ng karagdagang pondong ito upang mapunan ang mga pangangailangan ng mga komunidad, lalo’t mayroon pang pandemya at may parating pang mga bagyo sa ating bansa.
Nanawagan si Go sa mga opisyal ng probinsiya na gastusin nang maayos at malinis ang kanilang pondo para masiguro na ang pangangailangan ng kanilang mamamayan ay matugunan.