Motorcycle taxis papasada uli ngayong araw; sariling dalang helmet dinepensahahan

Litrato ng mga Angkas riders
Released/Angkas

MANILA, Philippines — Sa pagsisikap ng na dahan-dahang maibalik sa dati ang kalakaran ng buhay sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, muli nang aarangkada ang iba't ibang motorcycle taxis ngayong araw, Lunes, para na rin mapadali ang biyahe ng publiko.

Matatandaang naunsiyami ang "pilot testing" ng Angkas, Move It at JoyRide dahil sa pagpasok ng COVID-19 virus sa Pilipinas, bagay na tatakbo sana hanggang ika-23 ng Marso 2020. Nagsimula ang mga community quarantine sa bansa noong ika-15 ng Marso, bagay na nagsuspindi sa mga mass transportation.

Basahin: Palace releases guidelines on motorcycle taxi operations

May kinalaman: Metro Manila isinailalim sa 'community quarantine' ni Duterte

"Ang dagdag na guidelines ay 'yung guidelines na pinalabas ng [Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases]-[
National Task Force Against Covid19] para sundin. Ang emphasis nito 'yung ating health protocol," sabi ni Edgar Galvante, hepe ng Land Transportation Office (LTO), sa panayam ng GMA News ngayong Lunes.

"Kaya simula ngayon 'yong compliance na ng tatlong players ay pwede na silang magpatuloy, mag-resume ng pilot run ng motorcycle taxis."

Pagtitiyak ni Galvante, ang mga nasabing kumpanya ang sasalo sa mga bayarin ng COVID-19 swab testing para sa kanilang mga riders para matiyak na walang hawaan.

Gayunpaman, walang itinakdang guidelines ang gobyerno kung gaano kadalas dapat i-test para sa COVID-19 ang mga driver ng pampasaherong motorsiklo.

Sa Metro Manila pa lang muna puwede

Sa Metro Manila pa lang aarangkada ang mga motorcycle taxis na pinahihintulutan ng gobyerno ngayong araw. Susunod pa lang naman ang operasyon ng Angkas, Move It at JoyRide sa mga susunod na araw: "Hindi pa ngayon siguro [sa labas ng Kamaynilaan," sabi ni Galvante.

"But we already advised them to prepare their corresponding teams din, 'yung team Metro Cebu at tska 'yung Cagayan de Oro. Magiging parte ng pilot run 'yan."

Angkas pa lang ang naiinspeksyon sa ngayong pandemic operations, na susundan pa lang ng JoyRide. Ische-schedule pa lang naman ang inspeksyon na gagawin sa Move It, bagay na dapat munang ipasa bago sila payagan uli sa kalsada.

Matatandaang pinayagan ng Department of Transportation (DOTr) ang 45,000 motorcycle taxis sa Metro Manila (Luzon). Nasa 9,000 naman ang patatakbuhin sa Metro Cebu (Visayas) habang 9,000 din sa Cagayan de Oro (Mindanao).

Sa National Capital Region (NCR), tig-15,000 units ang papayagan kada player. Gayunpaman, may "redistribution provision" ang pilot testing, kung saan maaaring ipaubaya ng isang kumpanya ang mas marami pang units kung hindi nila maaabot ang 15,000.

May kinalaman: TWG kumambyo: Pilot test ng motorcycle-taxis tuloy sa itinaas 63,000 rider cap

Kanya-kanyang dalang helmet, dagdag gastos?

Dahil sa mga panibagong protocols ng gobyerno sa mga motorcycle taxi, nangangamba ngayon ang ilang komyuter dahil dapat silang magdala ng sariling full-face helmet, para na rin makaiwas sa hawaan ng COVID-19 na primaryang naililipat gamit ang droplets.

Karaniwang nasa P1000 hanggang P2,000 ang mga ganitong uri ng helmet, ngunit pwede ring umabot ng P12,000 — bagay na ikinaaaray ng mananakay.

Pero sabi ng LTO, sana'y huwag balewalain ang ganitong kautusan habang pandemya.

"Maaaring hindi siya carrier [ng virus], maaaring wala siyang sakit. Pero 'yung makakahalubilo niya eh baka meron," sabi ni Galvante.

"Sana hindi ito isipin na ito ay dagdag lang na gastusin kung hindi proteksyon din ito ng tao."

Bago ang COVID-19, karaniwang provided ng motorcycle taxi ang helmet ng mananakay, dahilan para gamitin ng iba't ibang tao. Half-face helmet lang din ang mga ito at hindi full-face.

Bagama't may nabibilang full-face helmet online na nasa P800 hanggang P900, ilang riders ang nagsasabing hindi tiyak ang kaligtasan ng magsusuot nito.

Cashless transaction

Maliban sa usapin ng helmet, dapat din aniya sumunod ang tatlong kumpanya sa cashless transaction, o pagbabayad na hindi direktang mag-aabot ng pera. Isa rin kasi ito sa mga pwedeng magkalat ng virus.

"Ito ay choice [ng kumpanya] kung anong service provider ang magbibigay nito sa kanila. Itong requirement na ito, mahigpit ito na dapat tuparin nila," ani Galvante.

"Definitely 'yung mga sasakay o mga pasahero nitong motorcycle taxi ang pagbabayad ay dapat through this cashless transaction."

Puwede naman daw suspendihin ang partisipasyon ng kumpanya sa pilot testing oras na mahuling sumusuway.

Show comments