MANILA, Philippines — Balik-eskwela na ang mahigit 24 milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa bansa bukas, Oktubre 5.
Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na handa na sila sa pagbubukas ng klase sa Lunes, kahit nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 pandemic.
“Naniniwala kaming handa na kami,” ayon kay DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio.
Dahil sa COVID-19 pandemic, gagamit ang mga paaralan ng combination of methods, mula sa online classes at printed learning modules hanggang sa paggamit ng TV at radio.
“Nationwide, 59% ng mga mag-aaral sa bansa ang gagamit ng printed module. Twenty percent ang online, habang 20% din ang offline digital. ‘Yung TV at radyo ay magiging supplemental para maging blended ang learning sa ibang lugar,” sabi pa ni San Antonio.
Nabatid na mas marami ang nag-enrol ngayon sa mga public elementary at high schools kumpara sa private schools na bumaba ang bilang ng enrolees.
Sisimulan ng DepEd ang National School Opening Day Program sa pamamagitan ng isang nationwide simultaneous flag-raising ceremony alas-7:30 ng umaga at mismong si DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones ang mangunguna rito.
Inaasahan namang magbibigay si Briones ng inspirational message sa mga guro at mga mag-aaral at saka pormal na idedeklara ang pagbubukas ng bagong school year sa bansa.
Ang pagbubukas ng klase sa bansa ay isinasagawa tuwing unang Lunes ng Hunyo.
Gayunman, dahil sa COVID-19 ay inilipat ito sa Agosto 24 ngunit ipinagpaliban ng Oktubre 5.
Pinayagan naman ng DepEd ang mga pribadong paaralan na makapagsimula ng klase noong Agosto.
Inaasahan namang madaragdagan pa ang naturang bilang dahil tiniyak na ng DepEd na patuloy pa rin silang tatanggap ng late enrollees hanggang Nobyembre.
Una nang sinabi ni Briones na ang pagbubukas ng klase ay isang pagdiriwang at deklarasyon ng tagumpay.