50 empleyado minaltrato, ginawang target practice ng Chinese trader
MANILA, Philippines — Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng isang Chinese National dahil umano sa pangmamaltrato at hindi pagbibigay ng tamang benepisyo sa kanyang mga empleyado sa San Simon, Pampanga.
Ayon kay San Simon police chief, Maj. Gregorio Santos, kasong attempted homicide, two counts of injuries, 4 counts ng grave threats at 5 counts ng illegal detention ang isasampa laban kay Irwin Chua, may-ari ng Real Steel Corp., at mga opisyal ng naturang kumpanya na tunawan ng bakal.
Matatandaang Setyembre 10 nang mailigtas ang mahigit 50 empleyado mula sa nasabing kumpanya matapos magreklamo ang mga ito na minamaltrato sila at ikinukulong sa loob ng kumpanya.
Bukod sa pananakit at pagkulong, ginagawa rin umanong target practice ang mga empleyado ng mga amo nito na pawang mga gun enthusiasts.
Ayon naman kay Geraldine Panlilio, Assistant Regional Director ng Department of Labor and Employment (DOLE) nahaharap din sa iba’t ibang kaso ng paglabag sa labor law si Chua at ang kasamahan nito.
Sa kasalukuyan, mayroong 42 Chinese na may Alien Employment Permit (AEP) ang nagtatrabaho sa Real Steel Corp.
Ayon naman kay PNP Spokesman, Col. Ysmael Yu, agad silang magpapadala ng mga tauhan sa San Simon municipal building, matapos makatanggap ng ulat na nakararanas nang pananakot ang mga nailigtas na empleyado na pansamantalang nanunuluyan sa basketball court habang iniintay ang bayad sa kanila ng kumpanya.
- Latest