MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na kulang-kulang 900 pribadong eskwelahan ang hindi makapagpapatuloy ng operasyon sa buong Pilipinas bunsod ng sari-saring dahilan habang nasa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) ang bansa.
Ang balita ay inihayag ni Education Undersecretary Jesus Mateo sa isang press briefing ngayong Lunes.
"So based on the current figures that we have on the report of the field offices, we now have [865]. Of which, 43% are — based on the report — due to low enrollment and COVID-related cases," ani Mateo.
"Majority are from the elementary schools."
Kung hihimayin ang datos, ganito raw ang itsura ng mga pribadong eskwelahang hindi makakapagpatuloy sa darating na school year 2020-2021 simula ika-5 ng Oktubre, 2020:
- purong elementary school (674)
- purong junior high school (22)
- purong senior high school (49)
- junior high school hanggang senior high school (11)
- kindergarten hanggang Grade 10 (65)
- kindergarten hanggang Grade 12 (25)
May kaugnayan: DepEd: Ika-5 ng Oktubre na ang pagbubukas ng klase, sabi ni Duterte
Ilan sa mga nabanggit na dahilan ng pagsasara ay:
- wala o mababang enrollment (374)
- dahil sa COVID-19 pandemic (333)
- estadong pinansyal ng paaralan (35)
- kaligtasan ng mga estudyante't kawani (35)
- kakulangan ng pagkahanda ng paaralan (25)
- walang permit (9)
- iba pang dahilan (74)
Aniya, galing sa kanilang field offices ang mga sariwang datos na ito na pinetsahang ika-11 ng Setyembre, bagay na in-update noong 3:45 p.m.
Matatandaang naging matindi ang tama ng mga lockdown at quarantine kontra COVID-19 sa financial capacity nang maraming magulang matapos matanggal sa trabaho at magsara ang mga negosyong pinagkukuhanan ng hanap-buhay.
Basahin: 'Record-high': 17.7% kawalang trabaho naitala nitong Abril kasabay ng COVID-19
May kaugnayan: Unemployment rate bumaba sa 10% nang luwagan ang lockdown
Buhat niyan, nasasadlak sa isang "technical recession" ang ekonomiya ng Pilipinas, na sinasabing pinakamalala simula pa noong 1981.
Gurong mawawalan ng trabaho
Dahil sa naturang pangyayari, apektado tuloy ang pagkarami-raming guro na madi-displace mula sa kanilang propesyon.
Sa kabila nito, posible naman daw na i-absorb sila ng mga pampublikong learning institutions upang patuloy pa rin na makapaghanap-buhay.
"'Yung mga na-displace ba [sa private school], pwede i-hire? Pwede naman po ayon sa draft guidelines natin," sambit pa ni Mateo.
"Pero ang sabi ko nga kanina, ang determination kung ilan ang ihahire na LSA o learner's support aides ay ayon doon sa pangangailangan ng bawat eskwelahan."
May pag-asa rin naman daw na hindi gawing LSA ang mga teachers at mabigyan ng plantilla positions basta't dadaan sa proseso, lalo na't meron namang mga inilatag na criteria ang pamahalaan.
Aniya, nooon pa man ay inirereklamo na ng ilang private schools ang paglipat sa pampublikong sektor ng ilan sa mga gurong kanilang sinasanay.
"Even before the COVID, madami na po 'yung, lagi pong sinasabi 'yan ni Secretary Liling [Briones], na ang dami ngang nagtra-transfer na teacher from private to public," paliwanag pa ng DepEd official. — may mga ulat mula kay Bella Perez-Rubio