MANILA, Philippines — Pinapayagan na ang “staycation” sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19, bilang hakbang para mapalakas ang turismo sa bansa.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), inaprubahan noong Setyembre 10 ng Inter-Agency Task Force for the Management (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang rekomendasyon ng ahensiyang payagan na ang staycation. Pero, hindi pa sinabi kung kailan ito maaaring magsimula.
“The DOT will soon issue a Memorandum Circular (MC) on Staycations Under GCQ based on comments and suggestions of the IATF-EID,” pahayag ng DOT.
Lilinawin sa memorandum circular ang mga aspeto sa kung ilan ang maximum allowable na bilang ng magkakasama sa isang guest room na gagamit ng ancillary services tulad ng mga restaurants at recreation areas.
Ang staycation ay dapat na magtagal sa minimum na overnight stay subalit maaari lamang payagan ang mga residente sa partikular na lugar at hindi maaaring magtungo sa ibang rehiyon.