Patay na Pinoy sa 'Beirut explosions' umakyat sa 4, sugatan 31 na
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs ang pagkamatay ng dalawa pang Pinoy at pagdami ng nagtamo ng pinsala mula sa mga pagsabog na nangyari sa Beirut, Lebanon noong Martes.
Ayon sa pahayag ng DFA na inilabas ngayong araw, sumipa na sa apat ang Pilipinong patay mula sa mga pagsabog habang 31 na injured.
Nasa dalawa lang kasi ang patay at anim sugatan sa mga Pilipinong naroon noong Agosto, matapos makadisgrasya ang 2,750 toneladang ammonium nitrate na noo'y kinumpiska at inilagay sa isang warehouse.
Basahin: 2 Pinoy patay sa pagsabog sa Beirut, Lebanon; 6 iba sugatan
"Dalawang Pilipino ang nananatiling kritikal. Naka-confine sila ngayon at inoobserbahan sa Rizk Hospital," ayon kay Ajeet Panemanglor, charge d'affaires ng Embahada ng Pilipinas sa Beirut sa Inggles.
"Ikinalulungkot namin ang mga huling kaganapan. Dumating ang mga bagong bilang habang tinitiyak ng mga kawani natin sa Embahada ang kondisyon ng mga nasasakupang Pilipino, sabi naman ni Foreign Affairs Secretary Sarah Lou Arriola.
#DFABulletin: Update No. 4 DFA: 31 Injured, 4 dead in Beirut Blasts: https://bit.ly/3ihMXXf PASAY CITY 07 August 2020...
Posted by Department of Foreign Affairs, Republic of the Philippines on Thursday, August 6, 2020
Bukod sa pag-akyat ng mga apektadong Pinoy, kinumpirma rin ng ahensya na hindi pa rin tiyak kung nasaan at ano ang kalagayan ng isa pang household service worker.
Kahapon lang din nang kumpirmahin ng gobyerno na ligtas ang nasa 13 Filipino seafarers na naipit sa mga pagsabog sa Lebanon. Gayunpaman, pare-pareho silang nagalusan mula sa insidente.
"Patuloy na tinitiyak ng ating Embassy officials ang kondisyon ng ating komunidad sa Beirut," pagpapatuloy ni Arriola, habang ipinangangako ang kinakailangang tulong ng mga Pinoy doon.
Una nang sinabi ni DFA Assistant Secretary Ed Menez na 33,000 Pilipino ang nakatira sa Lebanon. 75% sa kanila ay matatagpuan sa Greater Beirut area.
- Latest