^

Bansa

Ika-9 na petisyon vs anti-terror law inihain ng labor groups sa Korte Suprema

James Relativo - Philstar.com
Ika-9 na petisyon vs anti-terror law inihain ng labor groups sa Korte Suprema
Hawak ng mga petitioner mula sa Kilusang Mayo Uno, Federation of Free Workers at Nagkaisa Labor Coalition ang reklamo sa Korte Suprema hinggil sa kontrobersyal na anti-terrorism law, na magiging epektibo pagsapit ng Sabado.
Released/Kilusang Mayo Uno

MANILA, Philippines — Nakarating na sa Kataas-taasang Hukuman ang ika-siyam na petisyong kumekwestyon sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020 — sa pagkakataong ito, mula sa magkakaiba at noo'y hindi magkasundong labor centers.

Ang petisyon ay inihain ng Kilusang Mayo Uno, Federation of Free Workers at Nagkaisa Labor Coalition, Huwebes, dalawang araw bago maging epektibo ang batas.

Hiling ng mga grupo ang Petition for Certiorari and Prohibition, with Urgent Application for the Issuance of a Temporary Restraining Order at Writ of Preliminary Injunction mula sa Korte Suprema.

Ilang grupo na ng mambabatas, guro at mga abogado ang naunang naghain ng mga petisyon laban sa batas, sa dahilang labag daw ito sa karapatang pantao at 1987 Constitution.

Ika-3 ng Hulyo nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas bilang "legal weapons" para sugpuin ang terorismo. Pero ayon sa mga grupo, napakalawak ng mga probisyon nito at maaaring magamit sa mga karaniwang mamamayan gaya ng mga kritiko.

Basahin: Korte Suprema inulan ng petisyon vs anti-terror law ng mga propesor, grupo

May kaugnayan: Ano ang 'Anti-Terror Bill' at bakit may mga tutol dito?

Ayon kay Elmer Labog, para na ring idineklara ang martial law oras na maging epektibo ang batas, bagay na nagpipinal aniya sa "diktadurya" ni Duterte.

"When Duterte said he was able to dismantle oligarchy without declaring Martial Law, he was right with one thing," ani Labog.

"He didn’t have to declare Martial Law to bring us all back precisely to 1972. His regime had to simply pass the Terror Law and we are all under his dictatorship."

Ilan sa mga tinututulang bahagi ng batas ay pagbibigay ng kapangyarihan sa Anti-Terrorism Council na magdeklara kung sinu-sino ang mga terorista kahit na hindi sila korte.

Pwede ring ikulong nang hanggang 24 araw ang mga pinagsususpetyahang terorista, kahit walang warrant of arrest at kasong naihahain sa korte. Bukod pa 'yan sa paniniktik sa mga suspect nang 60 hanggang 90 araw.

Basahin: Duterte 'walang problema' sa 24-araw na kulong bago kasuhan sa anti-terror bill

Tinatanggal din sa anti-terrorism law ang P50,000 danyos perwisyos kada araw ng pagkakapiit na kailangang ibayad kapag napag-alamang inosente ang ikinulong.

Magagamit laban sa mga unyon?

Ayon sa Workers’ Resistance Against Tyranny (WRATH), may ilang kaso na kung saan ginamitan ng dahas at pinagbintangang mga terorista o armadong rebolusyonaryo ang ilang unyonista.

Sabi ni Eleanor De Guzman, tagapagsalita ng WRATH, may karanasan noon ang ilang manggagawa ng Coca Cola kung saan inimbitahan sila ng Philippine National Police (PNP) para sa isang "pulong," ngunit pinaratangan at "pinasuko" bilang mga miyembro ng New People's Army.

"Before the Terror Law was passed, instances of red-tagging unions and workers are very much alive. Now, there is a law to legitimize the threats and arrests of those tagged as terrorists," ani De Guzman.

"The Anti-Terrorism Law would become an instrument to prevent workers and the people from expressing dissent and organizing their ranks."

Ayon naman kay Joseph Pausal, tagapagsalita ng Kilos Na Manggagawa, sana hindi na ginawang agenda ng Konggreso at Palasyo ang anti-terrorism law sa dahilang kawalan ng trabaho at kahirapan sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic ang problema nila.

Hunyo 2020 nang maiulat ang record-high 17.7% na unemployment rate noong Abril sa gitna ng mga lockdown, na nagbunsod ng mga tanggalan at pagsasara ng mga opisina kontra COVID-19. Sinasabing katumbas 'yan ng 7.3 milyong Pilipinong walang trabaho, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa taya ng Department of Labor and Employment (DOLE), maaari pa 'yan madagdagan nang 4 milyon bago magtapos ang 2020.

Maliban sa KMU, FFW at Nagkaisa, kasama rin sa mga petitioner ang Public Services Labor Independent Confederation, National Union of Workers in Hotel and Restaurant and Allied Industry, Partido ng Manggagawa; National Federation of Labor, Church Labor Conference, TF Logistic Phils Workers Union, WRATH, Kilos na Manggagawa, Trade Union Leaders of the Uni Global Union-Philippine Liaison Council at Kilusang Artikulo Trese.

Inasahan na ni Duterte na susubukang kontrahin ang anti-terrorism law sa Korte Suprema, habang idinidiin na "terorista" ang Kaliwa at mga komunista.

"Ito kasing mga left pati itong komunista, they think that we are always thinking of them. I don’t... They are terrorist because we — I finally declared them to be one. Why? Because we — I spent most of my days as a President trying to figure out and connect with them on how we can arrive at a peaceful solution," sabi niya.

"And for the law-abiding citizen of this country, I am addressing you with all sincerity: Huwag ho kayong matakot kung hindi ka terorista."

ANTI-TERRORISM LAW

FEDERATION OF FREE WORKERS

KILUSANG MAYO UNO

NAGKAISA

SUPREME COURT

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with