MANILA, Philippines — Imbis na hindi mapakinabangan, iminumungkahi ngayon ng isang mambabatas na pansamantalang magamit ang television at radio frequencies ng ABS-CBN para sa edukasyon ng kabataan sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Matatandaang hindi ni-renew ng Kamara ang prangkisa ng ABS-CBN noong ika-10 ng Hulyo, dahilan para matengga at hindi magamit ang dating mga channel at istasyon ng Kapamilya Network.
Sa House Resolution 1044 ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, sinabing pwedeng gamitin ang nabakanteng channels para hindi lang sa internet idaan ang pag-aaral simula Agosto, lalo na't ipinagbabawal pa rin ang mga pisikal na klase.
Basahin: COVID-19 vaccine muna dapat bago magbukas ang mga eskwela — Duterte
May kaugnayan: Palace firm on August 24 opening of classes
"NOW, THEREFORE, BE IT RESOLVED, as it is hereby resolved that the House of Representatives recommend the temporary use by the government of ABS-CBN former television and radio frequencies for distance learning, instruction, training and other useful purposes to mitigate the impact of COVID-19 on education in the Philippines," sabi ng resolusyon.
Here's a copy of House Resolution 1044 filed by DS LRay Villafuerte on July 14 @News5AKSYON pic.twitter.com/ovMAs9c4U2
— Ria Fernandez TV5 (@RiaMFernandezTV) July 15, 2020
Ang mga resolusyon ay hindi gaya ng mga panukalang batas na pinagbobotohan sa Kamara at Senado hanggang makarating sa presidente. Wala itong "effect and force of law."
Marami pa rin ang mga lugar at pamilyang hindi naaabot ng internet, kung kaya't ipatutupad ang "blended/distance learning" pagsapit ng Agosto sa mga elementarya, hayskul at kolehiyo. Dito, paghahaluin ang internet, telebisyon at radyo para patuloy ang edukasyon kahit hindi nagkikita-kita upang makaiwas sa hawaan.
Giit ng mambabatas mula sa Bikol, dapat i-exhaust ang lahat ng posibleng delivery modes para manatiling abala ang kabataan habang nagka-quarantine sa kani-kanilang bahay.
"[T]he unused frequencies may also be used for information on COVID-19 prevention and control, risk-reduction and preparedness," sabi pa ng papel.
Sa pagtataya ng World Bank, nas 1.6 bilyong kabataan mula sa 161 bansa ang inaasahang hindi makakabalik ng pag-aaral buhat ng COVID-19 crisis, bagay na humahawa na sa 57,545 katao sa Pilipinas at pumatay sa libu-libo.
May kaugnayan: Duterte eyes purchase of radios to aid students in poor communities
Aabot sa 11,000 empleyado ng ABS-CBN ang pinangangambahang mawalan ng trabaho dahil sa non-renewal ng kanilang prangkisa, bagay na nakikita ng ilan bilang atake sa malayang pamamahayag.
Taogn 2018 nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya hahayaang ma-renew ang kanilang prangkisa kung siya ang masusunod, sa dahilang hindi inere ng kumpanya ang kanyang mga patalastas noong tumatakbo pa sa pagkapresidente noong 2016.
Gayunpaman, naninindigan ang Palasyo na "neutral" ang pangulo sa nangyari sa Dos lalo na't napatawad na raw niya ito matapos humingi ng paumanhin ni ABS-CBN president at chief executive officer (CEO) Carlo Katigbak. — James Relativo at may mga ulat mula kay News5/Ria Fernandez