MANILA, Philippines — Hiniling ni Ang Probinsyano partylist Rep. Alfred Delos Santos sa Kongreso na gawing prayoridad ang pag-amyenda sa Centenarian Act sa muling pagbubukas ng sesyon sa Hulyo 27.
Ayon kay Delos Santos, layon ng panukala na magbigay ng cash incentives sa mga senior citizens na maituturing na kabilang sa mga vulnerable sectors na kailangan ng tulong ng gobyerno lalo ngayong panahon ng pandemic.
Paliwanag pa ng kongresista na isa sa may akda, layon ng amyenda na mapalawig ang pagbibigay ng mga benepisyo at tulong sa mga senior citizens na lumolobo na ang bilang base sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa ilalim ng House Bill 4067 na inihain ni Delos Santos sa Kamara noong 2019, isinusulong niya ang advance na P100,000 cash gift sa mga senior citizens na aabot sa 100 years old para ma-enjoy nila ang benepisyo sa ilalim ng batas.
Nais din niya na maibigay ng advance ang cash gifts na P25,000 sa mga aabot sa edad na 70, P25,000 sa 80, P25,000 sa 90 at P25,000 kapag umabot sa edad na 100.