MANILA, Philippines — Mahilig ka bang magkansela ng order na pagkain o grocery sa mga delivery riders/drivers? May kalalagyan ka sa panukalang inihain ng isang senador kung tuluyang maisasabatas.
Sa Senate Bill 1677 ni Sen. Lito Lapid, oobligahin ang mga food at grocery delivery service providers na magkaroon ng "reimbursement scheme" para sa mga order na ikakansela.
Pero maliban diyan, papatawan din ng parusang hanggang anim na buwang kulong at hanggang P100,000 multa ang mga magkakansela nang tatlong beses sa isang buwan.
"Masakit isipin na sa kabila ng panganib na hinaharap ng mga delivery rider para lamang makapagserbisyo sa mga customer at kumita ng maliit na halaga, sa huli, sila pa ang naloloko," ani Lapid sa isang pahayag.
Maya't mayang nagva-viral ang mga food delivery riders na napipilitang kainin ang pagkaing kinukuha matapos hindi tanggapin ng mga customer — kahit bayad na ito ng rider.
Basahin: GrabFood explains policy after photos of rider eating canceled order went viral
Ilang buwan nang umaasa sa online delivery services ang marami bunsod na rin ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, lalo na't nasa bahay lang ang marami para hindi mahawaan ng nakamamatay na virus.
Dahil diyan, "frontliner" daw dapat kung ituring ang ang mga rider lalo na't isinusuong nila ang sarili sa peligro, matugunan lang ang araw-araw na pangangailangan sa pagkain at groceries.
"Bukod sa nasasayang ang oras at salapi ng mga riders dahil sa pagkansela ng order, ang mas malala pa, may mga pagkakataon na ni hindi matunton nag address ng nanlokong customer dahil sa fake address," sabi ni Lapid.
"Hindi tuloy sila mapanagot at naiiwang lugi at abunado ang mga delivery riders."
Reimbursement scheme
Para makolekta ang halagang mawawala dahil sa mga nagkakanselang customer, kakailanganin din magpatupad ng "Know-Your-Customer (KYC) rules."
Sa pamamagitan nito, maisusumite at mabeberipika ang mga proof of identity at residential address, alinsunod sa Data Privacy Act of 2012.
Parurusahan din ang mga food at grocery delivery service providers kung hindi sila magtatayo ng resimbursement scheme, oras na maipasa ang panukalang batas.
"[A] fine not exceeding Five Hundred Thousand Pesos (Php 500,000.00) and double the amount of money not reimbursed to their delivery riders/drivers [will be imposed]," sabi pa ng pahayag.
Una nang sinabi ng food delivery service na Grab Philippines na hindi nila pinapayagan ang pagkakansela ng orders oras na na-place na ang order sa restaurant.
"GrabFood’s system actually does not allow orders to be cancelled once rider-partners have placed the order at the restaurant," sabi ng kumpanya.
"For context, rider-partners just need to show photos of the unclaimed food, order receipt, and the GrabChat exchanges... We continue to be on the lookout and curb irresponsible behavior from customers on the GrabFood platform. Customers who do not claim their orders will of course have to face corresponding penalties."