92 MRT-3 depot workers positibo sa COVID-19, pero biyahe tuloy pa rin

Makikitang nakagarahe ang mga bagon na ito ng Metro Rail Transit 3 sa larawang ito
The STAR/Miguel de Guzman, File

MANILA, Philippines — Hindi ihihinto ang biyahe ng Metro Rail Transit line 3 (MRT-3) kahit umabot na sa 92 ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa mga manggagawang nagtratrabaho sa kanilang depot, pagkukumpirma ng linya, Huwebes.

Nadagdagan kasi nang 67 ang nahawaan ng nakamamatay na sakit sa mga nasabing kawani, mula sa 25 lang noong Lunes.

Basahin: 15 MRT depot workers COVID-19 positive, pero operasyon ng tren tuloy

 

 

Nasa 89 sa 92 positibo sa COVID-19 ay depot personnel ng Sumitomo-MHI — ang maintenance provider ng MRT-3 — habang ang nalalabi naman ay galing sa depot personnel ng MRT.

Sa kabila nito, tiniyak ng pamunuan ng MRT-3 na walang COVID-19 ang lahat ng kanilang manggagawa sa mga istasyon.

Limitado na noon pero babawasan pa

Sa gabay na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EIC) at Sumitomo-MHI, siniguro rin ni Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan na pwedeng magpatuloy ng operasyon ng MRT-3.

Sa kabila nito, babawasan ang mga biyahe ng tren simula Lunes, ika-6 ng Hulyo, dahil na rin sa dami ng maintenance personnel na naka-quarantine sa depot. Sasabihin naman aniya ang bilang ng iaawas na tren sa Sabado o Linggo.

"Sumitomo requested to discuss on a day-by-day basis the level of operations that they can sustain as results of the mass swab testing continue to be released," wika ni Batan sa isang pahayag.

"In the meantime, Sumitomo advised that they are able to continue with operations to service MRT-3’s tens of thousands of passengers, although at a reduced level."

Kakailanganin na ring magsuot na ng full personal protective equipment (PPE) ang mga station at depot personnel oras na magsimula ang reduced operations, paglimita sa kanilang pagkilos, pagdagdag ng disinfection activities at pagpapatindi ng obserbasayon kung sila'y magkakaroon ng sintomas.

Matatandaang nakabalik operasyon ang MRT-3 simula nang ideklara ang mas maluwag na general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

Nakamtan ng MRT-3 ang pinakamataas na GCQ ridership nito noong ika-29 ng Hunyo, kung saan umabot sa 67,821 ang kanilang pasahero — 13%  ng kanilang kapasidad.

Umabot na sa 38,511 ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas simula nang makasok ito mula sa Wuhan, China. Sa bilang na 'yan, 1,270 na ang namamatay.

Show comments