MANILA, Philippines — Upang mabilis na makabangon ang ekonomiya ng bansa mula sa pagkakadapa nito dahil sa COVID-19 pandemic, nanawagan si House Ways and Means chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda na tanggalin na ang ‘provincial bus ban’.
Nagbabala rin si Salceda laban sa mga “mapagsamantalang gawain” ng ilang kasapi sa sektor ng transportasyon, lalo na sa sobrang taas ng singil sa pamasahe. Napakasamang panahon ito upang manlamang tayo sa kapwa natin, diin niya.
Ayon kay Salceda, ang ‘provincial bus ban’ ngayon ay lalo lamang nagdadagdag pahirap sa mga taong kailangang makapagtrabaho.
“Hanggang hindi tayo nakakakilos dahil walang masakyan, hindi makakabangon ang ekonomiya. Ang mga mamamayan ang makina ng ekonomiya. Kung hindi sila makakagalaw, hindi rin kikilos, susulong at babangon ang ating ekonomiya,” paliwanag ng mambabatas na isang kilalang ekonomista.
“Basta panatilihin natin ang akmang mga pangkalusugang pamantayan, hayaan nating makakilos ang mga mamamayan. Dapat konsiderahin din ang makabuluhang ‘transport system’ na kailangan ng mga pasahero,” wika ni Salceda.