Roque: Duterte 'kumikiling' sa pagpirma ng anti-terrorism bill
MANILA, Philippines — Habang dumaraan sa huling pagtingin ng Palasyo sa anti-terrorism bill, kinumpirma ni presidential spokesperson Harry Roque na "kumikiling" ngayon si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda sa kontrobersyal na panukala.
'Yan ang iniulat ni Roque sa CNN Philippines, Martes nang umaga, habang kwinekwestyon nang ilan ang probisyong magkukulong sa suspected terrorist hanggang 24 araw kahit walang kaso. Magiging malaya rin sa bill ang Anti-Terrorism Council (ATC) na magdesisyon kung sino ang terorista — hindi ang korte.
Basahin: Ano ang 'Anti-Terror Bill' at bakit may mga tutol dito?
"Let’s just say that he is taking a final look at it and I think he is inclined to sign it," sagot ni Roque, na kilalang human rights lawyer noon.
Wala naman daw ipinararamdam si Digong na agam-agam hinggil sa panukalang batas, na kanyang unang sinertipikahang "urgent" ilang linggo na ang nakalilipas.
Nangangamba ngayon ang ilang sektor, primarya ang mga aktibista at oposisyon, na magamit ang panukala laban sa mga kritiko ng administrasyon para magpatahimik.
Tinawag namang "unconstitutional" ng Integrated Bar of the Philippines at Concerned Lawyers for Civil Liberties (CLCL) ang panukala, sa dahilang aagawan na ng mandatato ng ehekutibo ang hudikatura dahil sa mga igagagawad na kapangyarihan sa ATC.
"I guess we are just waiting for the final review of the Office of the Executive Secretary, and if possible with the [Department of Justice], we will have inputs because Secretary [Salvador] Panelo has already submitted his," dagdag pa ni Roque.
Ika-12 ng Hunyo nang himukin ni chief presidential legal counsel Salvador Panelo si Duterte na pirmahan na ang bill, sa dahilang wala siyang nakikitang mali sa mga probisyon nito bilang abogado.
Dagdag pa ni Panelo, malinaw diumano na hindi target ng panukala ang mga kritiko at aktibista, kahit na may probisyon sa Section 4 nito na nagsasabing wala dapat mapapahamak sa mga inilulunsad na kilos-protesta. Nagiging marahas minsan ang ilang mobilisasyon kapag nagkakaroon ng dispersal ng pulis.
"Fears which were raised by certain sectors are more imagined than real," banggit ni Panelo.
"We, therefore, ask them to study its provisions carefully and discuss the same with legal experts so they can understand fully the spirit of the bill."
Una nang pumasa sa ikatlo at huling pagdinig ng Senado at Kamara ang panukala, na naglalayon diumanong masawata nang husto ang ugat ng terorismo sa bansa.
Pirma na lang ni Dutete ang kulang bago tuluyang maging batas ang panukala.
Related video:
- Latest