'Zero electric bill' sa unang 200 kWh na konsumo iginiit habang lockdown

Tinitignan ng mga Meralco linemen na ito ang ioolang metro ng kuryente sa Lungsod ng Parañaque, ika-9 ng Abril, 2018.
The STAR/KJ Rosales, File

MANILA, Philippines — Nananawagan ngayon ng "substantial" na diskwento sa singil sa kuryente ang isang grupo sa gitna ng krisis pang-ekonomiya at coronavirus disease (COVID-19), bagay na maituturing na "social amelioration" na raw sa ngayon.

Sa pahayag ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary general Renato Reyes Jr., Lunes, sinabing milyun-milyon ang nawalan ng trabaho simula ng lockdown, dahilan para umasa na lang ang marami sa ayuda.

Huwebes nang sinabin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nasa 2.6 milyong manggagawa ang pansamantala at permanenteng na-displace sa trabaho ngayong Mayo, bagay na maaaring tumaas pa raw sa 10 milyon.

"Kung ang mga mahihirap na Meralco customers ay umaasa lang sa [social amelioration program], paano sila makakabayad ng kuryente? Kahit pa bigyan ng palugit na [apat] na buwan, mahihirapan sila," wika ni Reyes.

"Nananawagan kami na magkaroon ng zero-bill or automatic bill waiver para sa first 200 [kilowatt-hour] na consumption ng kuryente sa mga Meralco customers." 

 

 

Aniya, karamihan sa mga residential customers ng Meralco ay ganito ang kinokonsumo, na kadalasa'y low-income earners o lower middle class. Kung ililibre, hindi na sila magbabayad ng generation, transmission at distribution charges.

Sa Metro Manila, sinasabing nasa 1.5 milyon ang benepisyaryo ng SAP habang 1.9 milyon naman ito sa Region IV-A, mga lugar kung saan matatagpuan ang mayorya ng Meralco customers.

Para naman sa mga kumokonsumo nang lagpas sa 200 kWh, halimbawa 300 kWh, dapat pa rin daw makatanggap ng diskwento upang maging 100 kWh na lang ang babayaran. Mungkahi pa nila na hanggang 500 kWh lang ang maaaring mag-qualify sa diskwento.

"Ang social amelioration sa kuryente ay para sa panahon ng ECQ at lockdown kung saan marami ang nawalan ng trabaho o walang kabuhayan," sabi pa ni Reyes.

Susulat daw ang Bayan sa Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DOE) upang pulungin ang power industry players sa pagpapatupad ng social amelioration para sa electricity consumers.

Aniya, napapanahon ito lalo na't hindi raw sapat na bigyan lang ng palugit ang consumer.

Una nang inireklamo ng ilang consumers ang pagdoble ng singil sa kanila ng kuryente, matapos itigil ng Meralco ang actual meter readings sa gitna ng enhanced community quarantine (ECQ).

Biyernes nang inutusan ng ERC ang mga distribution utilities gaya ng Meralco na magsagawa ng aktwal na meter readings at mag-isyu panibagong billings batay na konsumo.

Papayagan ng ERC ang hanggang anim na utay-utay na pagbabayad ng electric bills para sa mga may 200 kWh pababang konsumo noong Pebrero 2020 habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ dahil sa kautusan.

Para naman sa mga kumokonsumo nang mas mataas diyan, papayagan ang hanggang apat na utay-utay na pagbabayad ng electric bills habang ipinatutupad ang ECQ at modified ECQ. — James Relativo

Show comments