MANILA, Philippines — Nakiusap si Joint Task Force COVID Shield (JTF) Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar na huwag sanang yurakan ang pangalan ng buong Philippine National Police (PNP) dahil sa kontrobersyal na pa-birthday kay Maj. Gen. Debold Sinas, director ng National Capital Region Police Office, habang may lockdown.
Inuulan kasi ngayon ng batikos online si Sinas dahil sa diumano'y paglabag nila sa "mass gatherings" at "social distancing" habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine kontra coronavirus disease (COVID-19).
"Nakikiusap kami sa publiko... 'wag naman insultuhin at i-generalize ang buong police organization at mga ahensyang nagpapatupad ng ECQ guidelines," sabi ni Eleazar sa Inggles, Huwebes.
"Nalulungkot ako sa insidenteng nangyari sa Camp Bagong Diwa dahil nagkaroon ng mga misinterpretation at akusasyong may 'double standard' sa pagpapatupad ng ECQ guidelines."
Aniya, hindi ito patas para sa mga pulis na nagsasakripisyo para lang tiyaking protektado sa COVID-19 ang madla.
Gayunpaman, suportado naman daw niya ang desisyon ni PNP chief Gen. Archie Gamboa na magsagawa ng imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Sinabi niya 'yan kahit una nang dinepensahan ni Gamboa si Sinas, at sinabing "wala namang paglabag" ang police official.
Una nang humingi ng tawad sa nangyaring mañanita (hindi raw party) si Sinas, ngunit iginiit na edited at kinuha mula sa mga lumang litrato ang mga kumakalat sa social media.
"'Yung ilang litratong kumakalat sa social media ay in-edit at kinuha mula sa mga lumang photo," paliwanag pa niya.
"[H]indi maisasalarawan ng mga litrato ang kabuuan nang nangyari."
'Yan ay kahit na mismong NCRPO ang mga nagpaskil ng mga nasabing larawan, na burado na ngayon sa kanilang Facebook page.
Mga kuha sa pa-birthday kay NCRPO director Maj. Gen. Debold Sinas kahit ipinagbabawal ang "mass gatherings," bagay na binura rin ng PNP mula sa kanilang Facebook. @PilStarNgayon @PhilstarNews
?? NCRPO pic.twitter.com/TFtunsIVRF— James Relativo (@james_relativo) May 13, 2020
'Baka maparusahan pa rin'
Tinawag nang "no-no" ni Interior Secretary Eduardo Año ang nangyari, lalo na't dapat nagiging mabuting halimbawa daw sila sa lahat.
Hindi rin daw nangangahulugan na hindi na mapaparusahan ang NCRPO director.
"[T]inatanggap ko ang kaniyang apology, but of course, hindi 'yun nagsasabi na ‘di na siya puwedeng managot. Depende kung ano 'yung magiging resulta ng investigation," sabi ni Año sa panayam ng GMA.
"Ang nangyari kasi doon hindi niya rin alam 'yung set-up na ganoon, sinurprise siya... Pero sa mga ganyan, kailangan muna ng discretion 'yan."
Dagdag pa ni Eleazar, sana'y magsilbing halimbawa ito para sa lahat ng public servants para maging sensitibo sa lahat ng aksyon at desisyon kaugnay ng laban kontra sa COVID-19. — may mga ulat mula kay Franco Luna