‘3rd wave’ ng COVID-19 nakaamba sa GCQ
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag magpakampante sa oras na ilagay na ang National Capital Region (NCR) at ibang lugar sa general community quarantine (GCQ) dahil nakaamba ang ‘third wave’ ng COVID-19 kung hindi mag-iingat ang lahat.
Sinabi ni Dr. John Wong, epidemiologist at miyembro ng Inter-Agency Task Force sub-technical working group on data analytics, na kasalukuyang nasa ‘second wave’ na ang Pilipinas at maaaring magkaroon ng ‘third wave’ sa pagtanggal ng ECQ.
“So this is the second wave, kasi the first wave was in January. After this flattening of the curve and then when we relax the ECQ we will see another surge of cases of third wave. To prevent the third wave we have to observe all the mitigation measures like physical distancing, hand hygiene, frequent cleaning so that’s how we delay the third wave,” ayon kay Wong.
Sa kasalukuyan, nakikita na ng DOH na nagkakaroon ng ‘flattening of the curve’ dahil sa pagbagal ng pagdoble ng mga naitatalang kaso ng COVID at pagbagal ng pagdoble ng mga nasasawi.
Ngunit iginiit ni Wong na masasabi lamang na nagtatagumpay na sa laban sa COVID kung magkakaroon na ng bakuna laban sa virus.
Kapag natanggal na ang ECQ, iginiit ng DOH na nararapat na alalahanin ng publiko na palagiang protektahan ang mga sarili at ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng palagiang pagsusuot ng face masks, paghuhugas ng kamay, tamang paraan ng pag-ubo, at physical distancing.
Sa pagbabalik ng pampublikong transportasyon, ipinaalala ng pamahalaan ang pagsunod sa ipatutupad na mga protocols tulad ng isang metrong layo sa bawa’t isa kapag nakapila at maging sa loob ng mga sasakyan.
Pinaalalahanan rin ang mga operators at mga tsuper ng mga public utility vehicles (PUVs) na huwag magpasakay ng mga pasahero na walang suot na face mask at palagiang mag-disinfect ng kanilang sasakyan.
- Latest