MANILA, Philippines — Hindi pa nakakabangon buhat sa COVID-19, nakaalerto na rin ngayon ang Department of Health (DOH) sa posibleng pagputok ng iba pang sakit na dala ng tag-ulan partikular na ang Dengue.
Sinabi ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na may dalawang pathway na inihahanda ang kagawaran para rin sa edukasyon ng mga lokal na pamahalaan -- ang COVID pathway at ang non-COVID pathway.
Ayon kay Vergeire, ang maagang paghahanda ay upang matiyak na hindi makakadagdag sa pasanin ng mga health care system ang banta ng pagputok ng ibang sakit na karaniwan kapag tag-ulan.
Ito umano ang layunin kaya naglagay sila ng mga ‘referral hospital’ para lamang sa mga COVID patient para ang ibang pagamutan ay makatutok rin sa ibang sakit.
Sa datos ng DOH mula Enero hanggang Agosto 2019, nakapagtala ng 106,630 kaso ng dengue sa bansa kung saan 456 ang nasawi.