MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan dahil sa pagpapatupad ng small business wage subsidy (SBWS) program para sa mga maliliit na negosyo sa pagsisikap na suportahan ang middle class at mapalambot ang epekto sa ekonomiya ng coronavirus disease (COVID-19).
Hindi lamang aniya ito malaking tulong sa maliliit na negosyo kundi malaking tulong din para maiahon ang kanilang mga empleyado na karamihan ay galing sa lower middle class.
Ilang small businesses ang napilitang itigil ang kanilang operasyon habang marami naman ang nag-operate na may skeletal forces bilang resulta ng enhanced community quarantine kaya isinagawa ng pamahalaan ang SBWS para tulungan ang mga negosyong ito.
Magtatakda naman ng panuntunan ang Department of Finance na magdedetermina kung anong kompanya ang nakakategorya bilang ‘small business’ na eligible para sa wage subsidy.
Ang pamahalaan ay magbibigay ng wage subsidy na P5,000 hanggang 8,000 kada eligible worker ng mga nasabing negosyo na apektado ng ECQ sa Luzon at iba pang bahagi ng bansa.
Ayon sa DOF, ang subsidy ay para sa dalawang buwan maliban na lamang kapag ang ECQ ay na-lift o nabawi ng maaga at ito’y may kabuuang halaga na P51 billion.