MANILA, Philippines — Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang wage subsidy program para sa mga middle class worker na naapektuhan ng COVID crisis.
Inihayag kahapon ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na pinagtibay kahapon ni Duterte ang Small Business Relief Program para matulungan ang 1.6 milyong maliliit na negosyo at ang kanilang 3.4 milyong empleyado na naapektuhan ng enhanced community quarantine.
Sa ilalim ng programa, ang mga kuwalipikadong manggagawa ay pagkakalooban ng P5,000 hanggang P8,000 na kukuwentahin batay sa minimum daily wage rates sa kani-kanilang rehiyon.
Ibibigay ang subsidy nang dalawang tranches simula sa May 1-15 at May 16-30.
Ang mga eligible worker ay dapat employed hanggang Marso 1, 2020 at hindi nakatanggap ng sahod para sa buwang iyon.
Hindi kuwalipikado ang mga natanggal sa trabaho, nag-resign, naka-leave o nakatanggap ng unemployment benefits sa SSS.
Ang tulong ay ipapalabas sa bank account ng mga manggagawa o sa pamamagitan ng SSS Unified Multi-Purpose ID cards, electronic wallets at remittance centers.