MANILA, Philippines — Tatanggalin lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon kapag may naimbento nang lunas o antibody laban sa COVID-19.
Sa kanyang ikatlong ulat sa bayan tungkol sa Bayanihan Act kamakalawa ng gabi, sinabi ng Pangulo na mayroon ng malalaking pharmaceutical giants ang gumagawa ng antibody.
Posible aniyang sa Mayo pa simulan ang pagbebenta ng nasabing antibody.
Pero tiyak aniya na hindi kaagad makakakuha ang Pilipinas dahil mas mauuna ang mayayamang bansa.
Samantala, nagbabala rin ang Pangulo sa mga mamamayan na sumunod sa batas at ipinatutupad na lockdown lalo na sa social distancing dahil nasa “first wave” pa lamang ang problema at may kasunod pang second at third wave.
“Itong epidemic or pandemic hindi ito natapos na sabihin mo ‘yung nasa ospital, ‘yung ginagamot ngayon, ‘yon ‘yung first wave. May second wave ito,” sabi ng Pangulo.
Ang second wave aniya ay ang mga nahawa at susundan pa ng third wave bagaman at paliit na lamang ang bilang.
Inihalimbawa ng Pangulo ang problema sa mangga na may hinog na o ready to eat, hindi masyadong hinog at ang ikatlo ay berde pa.
Related video: