MANILA, Philippines — May panukalang ‘P53-billion subsidy fund scheme’ si House Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda (Albay, 2nd District) para naman sa mga 5.98 milyong manggagawa, may-ari ng maliliit na negosyo at ‘freelancers’ na kasama sa kategoryang ‘middle income group’ ng lipunan na lubhang apektado rin ng pinahabang ‘enhanced community quarantine (ECQ).
Sa kanyang liham kay Pangulong Duterte, sinabi ni Salceda na layunin ng panukala niyang ‘Payroll Support for Workers, Entrepreneurs, and Self-employed (PSWES) Program’ na tulungan din ang ‘middle class’ na hindi kasali sa nauna nang ‘Social Amelioration Program’ (SAP) para sa mahihirap.
“Sadyang mahalaga ito dahil layunin ng administrasyon na patibayin ang ‘middle class’ na siyang pangunahing nagsusulong ng masiglang ekonomiya,” paliwanag niya.
“Kailangang huwag bumulusok sa kategoryang mahihirap ang mga nasa ‘middle income class’ na. Nasa ika-7 hanggang ika-9 ‘deciles’ sila kaya hindi sila kasali sa naunang aprubado nang SAP. Kailangang magpatuloy ang mga ‘micro-, small and medium enterprises’ (MSME) at maayudahan din ang mga manggagawa nila na malamang mawalan pa ng trabaho,” paliwanag ng mambabatas.