PALAYAN CITY, Philippines — Namahagi ng pagkain at 3,000 cash si Palayan City Mayor Rianne Cuevas sa 12,000 pamilya na mahirap at nasa middle class na residente ng Palayan City, Nueva Ecija.
Ayon kay Mayor Cuevas, alam niya na mauubos agad ang ipinamigay nilang food packs na kinabibilangan ng bigas, delata, gulay at gatas kaya niya n aisipang mamigay na rin ng pera.
“Hindi lang poorest of the poor kundi pati yung mga nasa middle class binigyan namin ng food packs at cash dahil mag-iisang buwan na rin silang walang trabaho at walang kita,” anang alkalde.
Sinabi ni Mayor Cuevas, sinimulan nila ang pamimigay ng cash at food packs nitong Miyerkules Santo at aabot sa P40 milyon ang ipinamahagi ng lokal na pamahalaan ng Palayan City.
Kasama ang mga lider ng bawat barangay, personal na iniabot ni Cuevas ang pera sa bawat pamilya na nag-antay sa labas ng kani-kanilang mga bahay.
“Ayaw ko kasing makarinig na hindi sila naabutan o pinipili lang ang aabutan kung kaya ako na mismo ang nag-abot sa kanila,” sabi ng alkalde.
Maging ang lahat ng frontliners ng Palayan City ay nabigyan din ng food packs at cash assistance.