MANILA, Philippines — Nagbabala kahapon ang World Health Organization na maaaring magdulot ng nakakamatay na pagkalat muli ng bagong coronavirus ang agarang pagtangggal ng lockdown na ipinapataw sa maraming bansa para makontrol ang pagkalat ng COVID-19.
Sinabi ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus na nakikipag-ugnayan ito sa mga bansa para sa paraan kung paano unti-unting matatanggal ang mga lockdown pero mapanganib kung gagawin ito nang mabilis.
“Alam kong ilang bansa na ang nagpaplano ng transisyon mula sa stay-at-home restrictions.Tulad ng iba, nais din ng WHO na maalis na ang mga restriction,” sabi niya sa isang virtual press conference sa Geneva.
Pero ipinahiwatig niya na kung agad-agad na tatanggalin ang lockdown ay baka sumulpot naman muli ang nakakamatay na virus kung hindi maayos na maisasagawa ito.
Tanggap ni Tedros ang mga sign na humihina na ang pagkalat ng virus sa ilang bansa sa Europe na matinding pininsala ng COVID-19 tulad sa Spain, Italy, Germany at France pero nagbabala siya sa mabilis na pagkalat ng virus sa ilang bansa tulad ng sa Africa.