17 health workers sa National Center for Mental Health nagpositibo sa COVID-19

Nakasuot ng full transparent face mask ang ilang manggagawang pangkalusugang sa Valenzuela habang nasa kahabaan ng Mc Arthur Highway sa boundery ng Valenzuela at Bulacan.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng pamunuan ng National Center for Mental Health (NCMH) sa Lungsod ng Mandaluyong na merong 17 manggagawang pangkalusugan sa kanilang institusyon na nagpositibo sa nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).

Ang balita ay kinumpirma ni NCMH Medical Center chief Roland Cortes sa isang pahayag, Biyernes. 

"Ang 17 health workers ay binubuo ng tatlong doktor, anim na nurse, tatlong nursing attendants, tatlong engineer, isang administration personnel at isang dietary personnel," ani Cortes sa Inggles.

Sa kabuuan, merong 21 positibong kaso ng COVID-19 sa NCMH, "kabilang ang apat na in-patients sa Pavillion 28."

Bago pumasok ang Abril, hindi bababa sa 12 doktor na ang namamatay sa Pilipinas dahil sa COVID-19.

Una nang nabatikos si Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan matapos sabihing "swerte" ang mga namamatay na health workers dahil sa COVID-19.

"May mga doktor na, mga nurses, attendants, namatay. Sila ‘yung nasawi ang buhay para lang makatulong sa kapwa. Napakaswerte nila. Namatay sila para sa bayan. Iyon ang dapat ang rason na bakit tayo mamatay," banggit niya sa isang talumpati.

"Huwag tayong mamatay sa ibang rason, nasagasaan ka lang at wala ka namang ginawa. Magiging karangalan na mamatay para sa bansa, sinisiguro ko sa inyo."

Kabilang sa COVID-19 related deaths ng mga manggagawang pangkalusugan sa Pilipinas ang presidente ng Philippine Pediatric Society na si Dr. Sally Gatchalian, head ng Pediatric Surgery Division ng Philippine Children's Medical Center na si Dr. Leandro Ressurrection III, dating doctor to the barrio at Pampanga Provincial Health Officer na si Marcelo Jaochico atbp.

Patuloy na nananawagan ang Philippine College of Physicians ang maya't mayang COVID-19 testing ng health workers sa ngayon upang matiyak ang kanilang kalusugan.

Marso lang nang maibalitang inilagay sa quarantine ang mahigit 530 kawani ng University of Santo Tomas Hospital dahil sa banta ng virus.

Kasalukuyang nasa 3,018 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 136 na ang patay. — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Sheila Crisostomo

Show comments