Sanggol mula Oriental Mindoro magaling na sa COVID-19
MANILA, Philippines — Matapos maging isa sa pinakabatang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, kinumpirma ng pamahalaang panlalawigan ng Oriental Mindoro na magaling na ang isang taong gulang na babaeng tinamaan ng virus sa kanilang lugar.
"MAGALING NA PO SI BABY PATIENT! Ngayong umaga ay lumabas na ang kanyang 2nd test result mula sa RITM: NEGATIVE na si BABY PATIENT sa COVID-19!" sabi ni Calapan, Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor.
"Maraming salamat din kay Dr. Alex De Guzman at sa mga medical personnel na ginamit ng Diyos upang mapagaling si Baby Patient!"
Ayon kay Dolor, ilalabas na ng ospital ang sanggol ngayong araw, Biyernes.
Sa ngayon, kinakailangan na lang uminom ng gamot ang bata habang inirerekomenda pa rin sa kanya ang 14-araw na home quarantine. Matapos nito, muling susuriin ang lagay niya.
Isang linggo na ang nakalilipas nang ma-diagnose ng COVID-19 ang bata, na napag-alamang may travel history sa Alabang, Muntinlupa.
Bukod kay baby, kinumpirma rin ng kanilang DOH regional director na nagpositibo na rin ang lima pang ibang pasyente:
- 82-anyos, lalaki (Calpan)
- 10-anyos, lalaki (Socorro)
- 32-anyos, lalaki (Naujan)
- 75-anyos, lalaki (Victoria)
- 62-anyos, lalaki (Roxas)
Muli namang pinaalalahanan ni Dolor ang lahat na manatili sa loob ng mga tahanan upang maiwasan ang lalong pagkalat ng nakamamatay na sakit: "Konting sakripisyo pa po at magtatagumpay tayo sa ating laban sa COVID-19!"
Pumalo na ng 2,633 ang kumpirmadong tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, habang 107 sa kanila ang binawian na ng buhay.
- Latest