MANILA, Philippines — Pinagpapaliwanag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) ang alkalde ng isang bayan sa probinsya ng Rizal dahil sa desisyong pigilan ang pagpapalibing ng ilang Muslim na namatay sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Año, hindi raw kasi pinirmahan ni Rodriguez, Rizal (noo'y Montalban) Mayor Dennis Hernandez ang burial permits ng mga namatay para mailibing sa Muslim cemetery ng Norzagaray, Bulacan.
"Limitado ang Muslim cemeteries dito sa Metro Manila. Huwag na po sana nating dagdagan pa ang pighati ng mga namatayan na nagnanais lamang na maayos na mailagak sa huling hantungan ang kanilang namatay na mahal sa buhay," sabi ng kalihim.
Sabi ni Año, na positibo rin sa COVID-19, malinaw na pagsuway daw ito sa panuntunan ng gobyerno sa paglilibing sa gitna ng nangyayaring public health emergency sa Pilipinas.
Sa guidelines na inilabas ng Department of Health (DOH) noong ika-3 ng Pebrero, kinakailangang mailibing ang mga COVID-19 victims sa loob ng 12 oras.
Hangga't maaari, mas mainam daw na idaan ang bangkay sa cremation, ngunit "kinakailangang alinsunod sa relihiyon o kultura ng namatay hangga't maaari."
"Nalulungkot tayo sa pagsasawalambahala ng mayor sa Islamic tradition at inutusan ko na ang ating legal office na maglabas ng show-cause order para sa mayor," patuloy ni Año.
"Isipin mo 'yung hirap ng paglipat ng patay mula Metro Manila papuntong Rizal at pagdaan sa mga checkpoint para lang hindi pahintulutan, at pupunta uli ng Bulacan para lang malibing ang patay."
Libing sa Islam
Sa relihiyong Islam, kinakailangang mailibing ang sinumang namamatay sa loob ng 24 oras.
Sabi ng Ulama Council of Zamboanga Peninsula, maaaring gawin ang "ritual bathing" ng katawan ng patay alinsunod sa paniniwalang Muslim kung sasabihin ng mga otoridad na ligtas ito.
Kung hindi, maaari naman daw magsagawa ng "tayammum" (dry ablution) ang isang Muslim na doktor bago isilid sa cadaver bag.
Kakailanganin namang isagawa ang "janaza," o padasal ng mga Muslim tuwing libing, sa mismong huling hantungan.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng DILG at National Commission on Muslim Filipinos ang kaso ng dalawang namatay, nang makuha ang reklamo mismo sa pamilya ng mga biktima.
Naiintindigan naman daw nina Año na baka natatakot lang ang Rodriguez mayor na sa kanila mailagak ang mga bangkay, ngunit sana'y manaig daw ang malasakit sa panahon na ito.
Una nang sinabi ng World Health Organization (WHO) noong ika-24 ng Marso na dapat bigyan ng "dignidad ang patay, ang kanilang kultura at religious traditions, at dapat respetuhin ang kanilang pamilya hanggang matapos [ang libing]." — James Relativo