Quarantine checkpoint sinuwag ng truck: 2 patay

Dead on arrival sa ospital sina Jomalyn Buhayon, 34, at Margie Maribao, kapwa mga BHW ng Camp-1.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Patay ang dalawang barangay health workers (BHW) matapos araruhin ng isang lasing na truck driver ang Community Quarantine Control Point sa Sayre Highway, Camp-1, Maramag, Bukidnon, nitong Biyernes ng gabi.

Dead on arrival sa ospital sina Jomalyn Buhayon, 34, at Margie Maribao, kapwa mga BHW ng Camp-1.

Nasa malubha namang kalagayan ang isa pang health worker na nakilalang si Beth Lumanca.

Sa ulat ni Police Col. Roel Lami-ing, Provincial Director ng Bukidnon Police, nangyari ang trahedya dakong-11:5 ng gabi. Tumutulong ang mga biktima sa pagpapatupad ng community quarantine nang suwagin ng humahagibis na truck na minamaneho ni Jemuel Ompoc, 24, ang nasabing checkpoint.

Tinangka umano ng driver ng truck na tumakas matapos itong tumalon sa behikulo pero hinabol ng mga tauhan ng Maramag MPS at mga tanod at agad pinosasan.

Bagsak kulungan ang suspek na nahaharap sa patung-patong na kaso dahil kasama sa kanyang sinagasaan ang dalawang motorsiklo at isang multicab sa nasabing lugar. 

Show comments