MANILA, Philippines — Nagbaba na ng state of calamity ang pamahalaang lungsod ng Quezon City, Biyernes, dahil sa patuloy na pananalasa ng coronavirus disease (COVID-19) sa pinakamalaking lungsod sa Kamaynilaan.
Dahil dito, maaari nang magamit ng 142 baranggay ng QC ang kani-kanilang "quick response funds" para sa pagkuha at pamamahagi ng serbisyo bilang tugon sa viral pandemic.
Anim sa 52 tinamaan ng COVID-19 ang sinasabing nakatira sa lungsod.
Inanunsyo 'yan ni QC Mayor Joy Belmonte isang araw matapos ideklara ang Code Red Sublevel 2, buhat ng "sustained community transmission" ng virus.
"For me, it is very important that they are empowered, that they are given all the necessary support that they need to be able to carry out this very sensitive but important task. For one to be able to carry this out, they have to have the necessary resources," ani Belmonte.
Sa kabila nito, nanawagan ang alkalde ng suporta ng lahat ng baranggay sa kani-kanilang nasasakupan upang masawata ang lalong pagkalat ng sakit.
Huwebes ng gabi nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring magdeklara ng state of calamity ang mga local government units upang magamit nila ang kani-kanilang mga pondo.
"LGUs which have imposed community quarantine in their respective jurisdiction, upon the declaration of State of Calamity, shall be allowed to access their Quick Relief Response [funds]," saad ng presidente.
Mangyayari ang lahat ng ito habang nagpapatupad ng "community quarantine" ang kabuuan ng National Capital Region mula ika-15 ng Marso hanggang ika-14 ng Abril.
Sa panahong 'yan, pagbabawalan ang pagpasok at paglabas (sa pamamagitan ng domestic travel) sa rehiyon nang walang kinalaman sa trabaho't paglilipat ng pagkain sa mga kalsada, himpapawid at karagatan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. — James Relativo at may mga ulat mula kay Ratziel San Juan