MANILA, Philippines — Humaharap sa kasong "perjury" ang ilang lider militante matapos nila diumano magsinungaling sa kanilang Writ of Amparo na inihain sa Korte Suprema.
Nakitaan ng probable case ni city prosecutor Vimar Barcellano ang mga sumusunod para kasuhan ng perjury:
- Elisa Tita Lubi, Karapatan chair
- Cristina Palabay, Karapatan secretary general
- Joan May Salvador, Gabriela secretary general
- Sr. Emma Cupin, Rural Missionaries of the Philippines
- Roneo Clamor
- Gabriela Krista Dalena
- Edita Burgos, ina ng nawawalang aktibistang si Jonas Burgos
- Jose Mari Callueng
- Wilfredo Ruazol
- Gertrudes Libang
Nakapaghain na ng piyansa ang lahat maliban kina Cupin at Palabay, na kasalukuyang nasa ika-43 United Nations Human Rights Council, bago maglabas ng warrant of arrest.
Gayunpaman, sinabi ni Philippine National Police Bernard Banac sa panayam ng PSN na wala pa silang nakukuhang impormasyon pagdating sa warrant.
Disyembre 2019 nang ibasura ng Quezon City Prosecutor's Office ang perjury case laban sa 11 respondent-officers ng Gabriela, Karapatan at Rural Missionaries of the Philippines na inihain ni National Security Advier Gen. Hermogenes Esperon Jr. bilang vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, habang inirerekomenda ang pagkakaso kay Belardo, isang 80-anyos na madre.
Nakatakda ang kanilang arraignment sa ika-16 ng Marso.
Reaksyon ng mga akusado
Tumungo naman sa social media ang ilang akusado upang ibuhos ang kanilang pagkadismaya sa desisyon.
Ayon kay Palabay kagabi, malisyoso at walang batayan ang mga ibinabato sa kanila ni Esperon.
"'Yung inihaing suit na paghihiganti sa aming human rights defenders, na humingi sa Writs of Amparo at Habeas Data para sa legal na proteksyon laban sa banta sa aming buhay, kalayaan at seguridad ay kaso na talaga sa korte," banggit niya sa Inggles.
"Para bang kaysa tulungan kami ng hudikadura, sila mismo ang inaabuso bilang intrumento ng panggigipit."
Aniya, kabalintunaan na binuhay ang kaso habang patuloy ang Karapatan sa kanilang advocacy work sa Pilipinas at United Nations Human Rights Council.
Para naman kay Salvador, isang women's rights advocate, ibinuhos lang niya ang 22 taon ng kanyang buhay kasama ang Gabriela upang ilahad ang katotohanan pagdating sa mga magsasaka, manggagawa, urban poor, migrante atbp.
"Ang ironic na nagpiyansa ako limang araw bago ang... International Women's Day sa ika-8 ng Marso, kung saan tumitindig ang kababihan sa buong mundo para ilaban ang karapan ng kababaihang naghihirap," saad niya.
Suportado naman ni dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo ang ligal na laban ng mga akusado.
Nakatakda namang magfile ng sariling bail si Palabay oras na makabalik siya ng bansa.
Reklamo ni Esperon
Matatandaang inihain ni Esperon, na respondent sa Amparo petition, ang perjury complaint matapos niyang akusahan ang RMP ng pagsisinungaling pagdating sa pagiging "registered non-stock, non-profit organization" nila.
Sabi ng heneral, 2003 pa kasi nang bawiin ng Securities and Exchange Commission ang Certificate of Registration ng RMP.
Ayon kay Barcellano, hindi maaaring "magkunwari" ang mga pinararatangan na hindi nila alam ang mga "maling pahayag" ng ibang akusado.
Malalaman lang daw kung may "good faith" sa isyung ito oras na humarap sila sa pagdinig ng kaso. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag