MANILA, Philippines – Posibleng pagkatapos na ng State of the Nation Address (SONA) didinggin ng House Committee on Legislative Franchises ang prangkisa ng giant network na ABS-CBN.
Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, dalawang opsyon ang kanilang tinitingnan kung kailan mai-schedule ang pagdinig sa franchise ng nasabing giant network, ito ay sa Mayo o sa Agosto.
Paliwanag ni Cayetano, maiksi lamang ang sesyon sa pagitan ng Enero hanggang Marso, gayundin sa Mayo dahil magbabakasyon na agad ang kongreso.
Ang may pinakamahaba umanong araw ng session ay ang Agosto bago ito mag-adjourn ng Nobyembre kaya posibleng pagkatapos ng SONA o sa unang linggo ng Agosto na maisalang ang prangkisa ng ABS-CBN.
Idinagdag pa ni Cayetano, useless din kung diringgin nila ngayon ang pagpapalawig sa franchise ng giant network kung hindi rin naman ito maisasalang sa plenaryo kaya kung uumpisahan nila ito ay dapat na agad din tapusin.
Tiniyak naman ni Speaker na hindi magsasara ang ABS-CBN kahit na matapos ang prangkisa nila sa Marso 30 dahil makikipag-uganayan sila sa National Telecommunications Commission (NTC) habang nakabinbin sa Kamara ang usapin.
Hinihintay lamang umano nila ang “best timing” para simulan ang pagdinig dito kung saan maaaring magsalita ang lahat ng pro at anti subalit kailangan ay hindi ito matapatan ng mas priority at urgent bills.