MANILA, Philippines — Ibinunyag ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) sa mga kongresista na mayroong P95.42 bilyon na pagkakautang sa kanila ang iba’t ibang pribadong power firms.
Dahil dito kaya nagbabala ang mga kongresista na ang mga hindi nakokolekta ay maaring ipasa sa mga consumers sa sandaling mag-expire na ang PSALM sa 2026.
Sa pagdinig ng House Committees on Public accounts and good government, sinabi ni PSALM president at chief executive officer Atty. Irene Joy Besido-Garcia, ang mga hindi nila nakokolekta mula sa private corporations at cooperatives ay P35.44 bilyon mula sa Power and Universal Charges (UC), P33.62-B mula sa Independent Power Producer Administrator (IPPA) at P26.35-B mula sa litigation para sa reconciliation at adjustment noong Disyembre 31 ng nakaraang taon.
Paliwanag ni Garcia, sa kabuuang utang sa PSALM na P33.62 bilyon sa ilalim ng IPPA, P23.94 bilyon ay mula sa South Premier Power Corp. (SPPC).
Ang SPPC ay nasa ilalim ng independent power producer administrator (IPPA) agreement sa PSALM para sa 1,200 megawatt (MW) natural gas fired power plant sa Batangas.