MANILA, Philippines – Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko ng kahinahunan sa harap ng nananatili pa ring banta ng COVID-19.
Sa taped video message na inilabas ng Radio Television Malacañang, hinikayat din ng Pangulo ang publiko na maging mapagmatyag habang hiningi rin nito ang pakikipagtulungan sa pamahalaan.
Sinabi ng Pangulo na patuloy ang ginagawang pagtutulungan ng gobyerno, World Health Organization gayundin ng mga nasa pribadong sektor na sama-samang naghahanda sa ano pa mang maaaring mangyari.
Kasabay nito, tiniyak din ni Duterte na hindi magpapabaya ang pamahalaan at nakahanda nitong iuwi ang ating mga kababayang nananatili sa ilang mga lugar sa China na kasalukuyan pa ring naka-lock down.
Apela pa ni Pangulong Duterte, huwag makinig sa haka-haka na ang layunin ay maghasik lamang ng lalo pang takot at sa halip, makinig lamang sa mga impormasyong inilalabas ng gobyerno at WHO.
Ang kailangan aniya ngayon ay pagkakaisa sa gitna ng nararanasang krisis na ayon sa Pangulo ay tiyak na malalampasan din.