MANILA, Philippines – Nasa 27 na ang bilang ng mga binabantayang pasyente sa bansa o persons under investigation (PUI) matapos makitaan ng sintomas ng 2019 Novel-CoronaVirus (N-CoV).
Sa kabila nito, iginiit ng Department of Health na wala pang kaso ng N-CoV na naitatala sa bansa at walang Pinoy na nakitaan ng N-CoV symptoms.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang 27 PUIs ay may travel history na galing sa Wuhan, China.
Nilinaw naman ng DOH na puro Chinese nationals ang iniimbestigahan ngayon. Kasama na rito ang tatlong Chinese na dinala sa San Lazaro Hospital at 2 pa NCR.
Kinuhanan ng samples ang mga ito at dinala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa pagsusuri.
Sa sandaling makitaan ng virus, dadalhin naman sa Australia para sa confirmatory test.
Pinaalalahanan naman ni Sec. Duque ang mga matatanda at may sakit na gumamit ng surgical mask para sa kanilang proteksiyon lalo pa’t sila ang madaling tamaan ng virus.
Kailangan aniyang palakasin ang immune system at kumain ng mga sariwang gulay at prutas.