MANILA, Philippines — Nasa 12 bayan sa lalawigan ng Batangas ang nasasakop na ng danger zone kaugnay sa pagsabog ng Taal Volcano.
Nabatid na umabot na rin sa 500,000 o kalahating milyon katao ang naapektuhan ng pagsabog habang marami na ring bayan dito ang isinailalim sa lockdown.
Layon ng lockdown na mapigilan ang mga looter na manamantala o magnakaw sa mga bahay na walang tao.
Samantala, ilang mga insidente ng looting sa mga bahay na naiwan ng mga evacuees sa Batangas ang naiulat kahapon.
Ayon kay Army Brig. Gen. Marceliano “Kit” Teofilo, Joint Task Group Taal Commander, hindi maiiwasan na may mga pasaway na magsamantala sa mga kabahayang naiwang walang mga tao.
Gayunman, sinabi ni Teofilo na pinaigting ng pulisya ang pagpapatrulya para masupil ang ‘looting’ o pagnanakaw sa mga kabahayang naiwang walang mga tao.