MANILA, Philippines — Lumilitaw sa rekord ng Bureau of Immigration na, sa mga dayuhang lumalabag sa mga batas ng Pilipinas, ang mga Chinese national.
Sinabi ng BI na nakaaresto sila ng 2,257 nagkakasalang mga dayuhan sa iba’t-ibang operasyon mula Enero hanggang Disyembre 2019. Umaabot sa 1,836 ang nadakip ng intelligence division officers ng kawanihan habang 421 naman ang inaresto ng fugitive search unit nito.
Sa 2,257 dayuhan na naaresto, lumilitaw sa rekord ng BI na nakadakip ito ng 1,577 mamamayan ng China, sumunod ang mula sa Taiwan na 66, Myanmar na may 45, India na may 25 at Vietnam na may 19 na bilang.
Sinabi ni BI Acting Intelligence Chief Fortunato Manahan na mayorya ng mga naaresto ay mga Chinese national dahil sa iligal na pananatili sa bansa, pagkakasangkot sa cyber fraud activities at iligal na operasyon ng online gaming.
“May ilan sa mga nadakip na hindi lang iligal na nagtatrabaho rito. Hinihinala ring sangkot sila sa terorismo habang ang iba ay mga pugante,” paliwanag ni Manahan.
Binanggit ni Manahan na kabilang sa nasa listahan ng mga naarestong Chinese national ang 500 illegal Chinese worker sa Pasay City noong October at ang mahigit nilang 300 kababayan na dinambot sa iba’t-ibang establisimiyento nasa Puerto Princesa, Palawan noong Setyembre.