MANILA, Philippines — Walang umuwing luhaan sa 2,000 overseas Filipino workers na nakilahok sa kauna-unahang Pamaskong Handog ni Palayan City Mayor Rianne Cuevas.
Pinaka-maswerte sa lahat ay si Rommel Diaz, asawa ng OFW na si Lourdes Diaz, matapos manalo ng grand prize sa raffle na isang brand new na kotseng Ford EcoSport na personal na handog ni Bong Cuevas, asawa ng mayora.
Bukod kay Diaz, 10 OFW din ang nagwagi ng Aling Puring’s Sari Sari Store Package ng Puregold na nagkakahalaga ng P20,000 bawat isa. Lima ang nanalo ng computer sets na may kasamang printer, web camera at MS Office license at 20 ang nagwagi ng brand new cellphones na may kasamang sim cards.
Ang iba ay nanalo ng stand fan; rice cooker; oven toaster; gift certificates at Christmas Ham.
Ayon kay Mayor Cuevas, nais niyang pasalamatan ang mga OFW ng Nueva Ecija na malaki ang naitulong para sa pag-unlad ng Palayan City at hangaring ng maiahon ang kanilang pamilya sa kahirapan.
Bukod sa masayang programa para sa mga OFW, meron ding job fair para sa local at overseas employment sa mga OFW at kanilang pamilya.
Inanunsyo rin ni Mayor Cuevas, na pinarangalan ang lungsod ng Palayan bilang “The Best One-stop Service Center for OFW” sa buong Pilipinas ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ang One-Stop Service Center ng Palayan ay malaking tulong sa mga OFW sa Nueva Ecija dahil hindi na nila kailangang lumuwas ng Maynila para mag-ayos ng kanilang mga papeles papuntang abroad.