146 artworks ng Marcoses pinasosoli ng Sandiganbayan
MANILA, Philippines — Pinababalik ng Sandiganbayan ang nabili umano ni dating pangulong Marcos at kanyang pamilya na 146 mamahaling painting ng iba’t ibang sikat na pintor.
Sa 42-pahinang partial summary judgment na inilabas ng anti-graft court, pinaboran nito ang gobyerno na kumpiskahin ang mga paintings na ilegal umanong nakuha.
Nakasaad pa sa desisyon ng korte na walang naipakitang sapat na batayan ang mga akusado para baliktarin ang alegasyon ng prosekusyon na ilegal ang pagkakabili ng mga paintings at artworks na nagkakahalaga ng US$24,325,500.
Idineklara ng korte na ilegal ang pagkakakuha o pagkakabili sa mga painting na hinahanap ng Presidential Commission on Good Government, Grandma Moses Paintings, artwork na nakalista sa A report on the Metropolitan Museum of Manila’s Art Collection, at iba pang artwork na nasa pangangasiwa ng kanilang mga kakilala, kaibigan, o sinumang tao na may kaugnayan sa pamilya Marcos.
Ipinag-utos din ng korte sa pamilya Marcos na huwag ibenta o ilipat ang pagmamay-ari ng mga ito, ideklara ang mga painting na nasa kanila, at isuko ang mga ito.
- Latest