Magsasaka sa Palayan City binigyan ng bahay

Tinurn-over ni Palayan City Mayor Rianne Cuevas ang mga bagong bahay. Ang programang pabahay ay tuluy-tuloy na sinusulong ng pamilya ng Alkalde, LGU, DSWD at Foundation para sa mga magsasaka na may lupa pero walang perang pampagawa ng bahay.

NUEVA ECIJA, Philippines — Maaga ang naging Pasko ng 35 magsasaka sa Pala­yan City, Nueva Ecija makaraang bigyan ng bago at kong­­kretong bahay.

Nabatid na ang 30 sa mga bahay ay personal na kaloob ng pamilya ni Mayor Rianne Cuevas at ang iba ay ipinagawa ng Local Government Units (LGUs), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at isang foundation.

Mahigit sa 100 bahay pa ang kasalukuyan gina­gawa at inaasahang ma­ipapamigay sa unang quar­ter ng 2020.

Ayon kay Mayor Cuevas, nais nilang matulungan ang mga magsasaka na hirap sa mga panahong ito dahil bagsak ang presyo ng palay sa merkado.

“Inuna po naming binigyan ng bahay ang mga mag­sasaka na walang ma­ayos na tirahan. Tuluy-tuloy po ang programang ito na ang layunin naming taga-Palayan ay mabigyan at makatulong sa mga walang maayos na tirahan sa aming lugar,” sabi ni Mayor Cuevas.

Ang mga bahay na ipi­namigay ay gawa sa semento, tabla at yero na may maayos na kusina, banyo at labahan.

Laking pasasalamat naman ng mga magsasakang nabiyayaan ng bagong bahay at sinabing ito na ang kanilang pinakamasayang Pasko dahil sa natanggap na regalo mula sa Alkalde.

Show comments